Naayos na ang ilang elevator at escalator sa mga istasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes, Enero 24.

Sinabi ni Transportation Secretary Arthur P. Tugade na ang LRT-2 operator, ang Light Rail Transit Authority (LRTA) ay nakapag-ayos na ng nasa 34 elevators at 26 escalators.

Bahagi ito ng pagsisikap ng LRTA na mapabuti ang accessibility ng serbisyo ng tren para sa riding public, partikular na ang mga matatanda, buntis, at persons with disabilities (PWDs).

Noong Disyembre ng nakaraang taon, ang LRTA, sa tagubilin ni Tugade, ay nagsampa ng mga reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal at pribadong contractor nito para sa maanomalyang pagbili ng P170.3-milyong halaga ng kagamitan para sa LRT Line 2.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang dito ang P138-million contract para sa supply delivery, installation, at commissioning ng conveyance system, tulad ng elevators at escalators, na iginawad sa Ma-An Construction, Inc, at IFE Elevators, Inc. Joint Venture.

Kasunod nito, nanawagan si Tugade para sa agarang pagsasaayos ng lahat ng sira na escalator at elevator at ang blacklisting ng mga palyadong mga supplier.

Ang LRTA, noong unang bahagi ng taon, ay humingi ng paumanhin para sa mga sira na elevator at escalator ng LRT Line 2 system at tiniyak sa publiko na tinutugunan nito ang isyu.

Nangako rin si LRTA Administrator Jeremy Regino na magdamag na mag-aayos ng mga natitirang non-operational escalators at elevators.

Ayon sa LRTA, kabilang sa mga nakikitang opsyon ay ang emergency procurement ng mga kailangang piyesa at ang pag-atas sa umiiral na LRT-2 maintenance provider na magsagawa ng repair.

“The LRTA assures the public that its present management will do its best to remedy the situation and restore the non-operational station escalators and elevators for the convenience of LRT-2 commuters, especially amid the pandemic,” sabi nito sa kanilang naunang pahayag.

Ang 17.69 kilometrong LRT- 2 system ay may 13 istasyon mula Recto, Manila hanggang Masinag, Antipolo, at may tinatayang arawang 300,000 na pasahero.

Alexandria Dennise San Juan