Muling iginiit ng Malacañang ang apela nito sa publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) kasabay na ipinuntong mapanganib pa rin ang bagong Omicron varaint lalo na sa mga hindi pa nakatanggap ng vaccine shot.

Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles habang patuloy na tinutugunan ng gobyerno ang bagong variant na posibleng nagpabilis sa kamakailang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa kanyang press briefing noong Biyernes, Enero 14, sinabi ni Nograles na hindi dapat maging kampante ang publiko dahil delikado ang Omicron para sa mga hindi nabakunahan.

“Ganito po inilarawan ng World Health Organization ang Omicron: ‘Dangerous especially for the unvaccinated,’ kaya huwag po tayong magpakakampante ,” ani Nograles.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Ang obserbasyon na hindi malala ang sintomas o iyong sinasabi iyong sakit na dulot ng Omicron kung ikukumpara sa Delta variant ay applicable lamang po sa mga fully vaccinated,” dagdag niya.

Pinaalalahanan ng acting Palace spokesman ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa health protocols at magpabakuna.

“Patuloy tayong mag-mask nang tama, maghugas ng kamay, umiwas sa mararaming tao o iyong mga matataong lugar, at magpabakuna na po at magpa-booster shots na po,” sabi ng opisyal ng Palasyo.

“Ang mga simpleng bagay na ito ang sasagip sa atin at sa ating bansa at sa sitwasyong kinakaharap po natin ngayon. Panghuli, patuloy po tayong magtulungan,” dagdag niya.

Ang tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 ay nagtulak sa pandemic task force ng gobyerno na ilagay ang Metro Manila at 81 iba pang mga lugar sa ilalim ng Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng buwan.

Argyll Cyrus Geducos