Ang Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office at Provincial Health Office-Public Health, sa pamamagitan ng inisyatiba ng LGBT Bulacan Federation, ay nagbukas ng 600 slots sa pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa mga Bulakenyo sa Huwebes, Nob. 11 sa Provincial Vaccination Site, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Capital Compund sa lungsod ng Malolos.
Ang registration form ay naka-post sa Bulacan Tourism Facebook Page kung saan 600 slots ng Pfizer vaccines ang nakalaan para sa mga miyembro ng Bulakenyo LGBT mula 18 taong-gulang pataas, at kapag nakarehistro, isang confirmation text message ang ipadadala sa kanila.
Kinakailangan ding magdala ng valid ID, ballpen, face mask, at face shiled ang mga magpaparehistro. Kung walang valid ID, maaari nilang dalhin ang kanilang birth certificate, student ID o barangay clearance, habang ang mga indibidwal na buntis o may comorbidities ay kinakailangang magdala ng kanilang medical clearance.
Sinabi ni Bulacan Gov. Daniel R. Fernando na malaki ang kanyang paniniwalang malapit nang makabangon ang lalawigan mula sa pandemya.
“Hindi po ako mapapagod na magpaalala sa inyong lahat na magpabakuna kung ang kapalit naman nito ay ang immunization na ninanais natin mula ng magsimula ang pandemyang ito. Hangga’t patuloy po ang pagbabakuna sa ating lalawigan, tumitibay po ang aking paniniwala na tayo ay makababalik sa normal nating mga pamumuhay,”sabi ng gobernador.
Mahigpit na ipinagbabawal ang walk-in at pinapayuhan ang mga magpaparehistro na huwag uminom ng anumang inuming nakalalasing sa araw bago ang pagbabakuna. Para sa karagdagang katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office sa 09190793526.
Freddie Velez