Nagpahayag ng panibagong saloobin si ABS-CBN creative music director Jonathan Manalo sa mga “nagmamaang-maangan” sa naging pasya ng gobyerno na i-deny ang prangkisa ng dambuhalang TV network.

“Sa mga nagbabalik ngayon ng issue ng ABS-CBN franchise denial at nagmamaang-maangan at trying to frame that the current government has nothing to do with it. You are a hopeless case,” ani Manalo sa isang Facebook post nitong Sabado, Nob 6.

Giit ni Manalo, “Malinaw na ginipit at pilit na nilumpo ng gobyerno ang ABS-CBN sa pagpatay sa main broadcast business nito.”

Muli ring pinunto ng ABS-CBN composer at producer na “walang history ng tax evasion case ang ABS-CBN” kalakip ang isang artikulo mula sa CNN na nagpapatunay dito.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Lahat ng binabalik at pinapakalat na naman ninyo ngayon ay fake news at false accusations--mga paratang na walang basehan at walang totoong hatol na galing sa anumang korte,” dagdag ni Manalo.

Sa mga itinakda ng batas, sinunod ng ABS-CBN ang lahat mga ito, ani Manalo.

“Gobyerno ang nagtakda ng tax code, lahat ng tax laws ng gobyerno din ang nagpapatupad ng tax credits at nagbigay ng tax incentives for programs aiding economic growth. Gobyerno din ang naghikayat sa private sector na mag shift from analog to digital technology para maging competitive tayo at makasabay sa buong mundo,” paliwanag ni Manalo.

“Sumunod ang ABS-CBN! Sumuporta sa mga programa ng gobyerno, in-avail ang mga programang in-offer ng gobyerno kasama na ang mga tax incentives na aprubado ng PEZA [Philippine Economic Zone Authority] upang maging partner ng bansa sa pag-angat ng ating ekonomiya at pagsulong ng mga bagong teknolohiya,” dagdag nito.

Sa kabila nito, pilit umanong binabaliktad ang katotohanan.

“Walang kasalanan ang ABS-CBN, kahit bali-baliktarin ninyo, walang nilabag na batas ang ABS-CBN,’" sabi ni Manalo.

Sa huli, binigyang-diin ni Manalo na walang tax delinquency ang ABS-CBN, sumunod ang network sa mga patakaran ng Security and Exchange Commission (SEC), nagbayad ang network ng karampatang buwis, walang kaso ang network sa Department of Labor and Employment (DOLE), at sumunod ito sa National Telecommunication Commission (NTC) rules and regulations.

Inilatag din ni Manalo ang ilang news articles bilang suporta sa kaniyang mga binanggit.

Matatandaang noong Mayo 5, 2020, inatasan ng NTC ang tigil-operasyon ng mga radio at television programs ng ABS-CBN.