Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga may-ari ng negosyo na mahigpit na ipatupad ang "No vaccine, no entry" policy, at sinabing maaapektuhan umano ang kanilang negosyo kung muling tataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos magdesisyon ang pandemic task force na ibaba sa Alert Level 2 mula Nobyembre 5 hanggang 21, 2021.

Sa kanyang press briefing nitong Biyernes, Nobyembre 5, sinabi ni Roque na nakasalalay sa publiko ang pagpigil sa bilang ng mga kaso ng COVD-19 sa bansa.

“Government can only formulate policies. Ultimately, kooperasyon ng buong sambayanan po ang kailangan nang makabangon po ang ating ekonomiya at makapag-balik buhay po tayo," ani Roque.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Sinabi ni Roque na dapat kumilos ang mga business owners upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

“Kung kayo ay magpapapasok ng unvaccinated… eh talagang kakalat po uli ang COVID. ‘Pag kumalat po ang COVID, aakyat na naman ang alert level natin at magsasara na naman ang mga negosyo," aniya.

“So sa mga negosyante, kung gusto niyo pong magpauloy na magbukas ang inyong mga establishimento, ipatupad niyo po ang ‘No vaccine, no entry’ policy,' dagdag pa niya.

Base sa latest guidelines para sa Alert Level 2, pinapayagang mag-operate ang mga negosyo hanggang 50 na porsyentong indoor capacity para sa fully vaccinated na indibidwal at mga edad 18 pababa na hindi bakunado. Maaari rin sila mag-operate ng  hanggang 70 na porsyentong venue capacity.

Pekeng vaccine cards

Samantala, binalaan ng opisyal ng Palasyo ang publiko tungkol sa ma pekeng vaccine cards.

“‘Pag kayo po ay nameke, kayo po ang nagbibigay ng danyos sa inyong mga buhay," ani Roque.

“This is not just an issue of law enforcement. You are endangering the lives of many including yours,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Roque na pupwedeng makulong ang mahuhulihan ng pekeng vaccine card.

"Meron din po tayong batas: falsification of public documents at ang vaccination cards po vaccination cards po ay public document. May kulong po ‘yan," aniya.

Argyll Cyrus Geducos