CAMP MARCELO A. ADDURU, Tuguegarao City - Inaresto ng pulisya ang isang lalaki kaugnay ng umano'y 160 beses na panggagahasa sa anak ng kanyang kinakasama, simula pa noong 2019 sa Peñablanca, Cagayan.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Michael Marcos, 36.
Si Marcos ay dinampot ng mga tauhan ng Peñablanca Police sa pamumuno Maj. George Maribbay sa kanyang bahay saBarangay Naguilattan ng nasabing bayan, nitong Martes.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas niJudge Lyliha Abella-Aquino, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 4, Tuguegarao City, Cagayan, sa kasong rape (160 counts).
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Sa rekord ng kaso, sinimulan umanong gahasain ang biktima noong 13-anyos pa lamang ito noong Setyembre 2019.
Ayon sa pulisya, nagtatrabaho sa ibang bansa ang ina ng biktima at ipinagkatiwala lamang ito kay Marcos.
Apat na beses umano kada linggong ginagahasa ang menor de edad hanggang noong Hunyo 2020.
Ang insidente ay isinumbong lamang sa pulisya noong Hulyo 3, 2020, sa tulong ng tiyahin ng biktima.
Hindi kaagad nai-report sa mga awtoridad ang insidente matapos umanong magbanta si Marcos na papatayin ang biktima kapag ginawa niya ito, ayon pa sa pulisya.
Liezle Basa Iñigo