Sugatan ang isang Admin liason ng opisina matapos tamaan ng ligaw na bala nang aksidenteng pumutok ang shotgun ng nakaduty na guwardiya sa Taguig City nitong Sabado, Oktubre 23.
Nagtamo ng tama ng pellets mula sa shotgun ang bahaging braso ng biktima na si Joel Albuera, 37, may asawa, Admin Liaison, at nakatira sa Peñafrancia, Cupang, Antipolo City.
Nasa kustodiya naman ng Taguig City Police at posibleng maharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na si Rommel Monge, 43, may asawa, Admin and Logistics Supervisor ng Men in Blue Security Services, at residente sa Acasia Estates, Brgy. Ususan, Taguig City.
Sa ulat ni SSgt. Ronald Alonzo, may hawak ng kaso, naganap ang insidente sa EPMPC, 2F Sample Shop Bldg. AFP-RSBS Industrial Park, KM 12 East Service Road, Brgy. Western Bicutan, Taguig City dakong 3:05 ng hapon ng Sabado.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nasa loob ng opisina ang suspek habang sinusuri nito ang pumapalyang shotgun nang aksidenteng pumutok na tumagos sa plywood na dingding sa kabilang opisina na pinagtatrabahuan naman ng biktima.
Nabatid na naglalagay ng putty o masilya sa mesa si Albuera nang makarinig siya ng putok ng baril kasunod nito ang naramdamang mainit na bagay sa kanyang braso hanggang sa natuklasang tinamaan siya ng pellets mula sa naturang baril.
Mabilis na inireport sa awtoridad ng mga kasamahan niya sa trabaho ukol sa nangyaring insidente na agad nirespondehan ng mga tauhan ng Western Bicutan Police Sub-Station 2 na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek.
Narekober sa suspek ang isang shotgun, ARMSCOR, Caliber 12 Gauge, Firearm ID No. FA-95970-1 na may Serial No. 595096; isang basyo at tatlong deformed pellets ng naturang baril.
Bella Gamotea