STA. ROSA, Nueva Ecija-- Mahigit 500 pamilya ang apektado ng granular lockdown sa Sta. Rosa Homes, Brgy. Lourdes Nueva Ecija simula pa noong Setyembre 20 hanggang Oktubre 4.
Naapektuhan ang mga pamilya sa ipinatutupad na granular lockdown sa bisa ng Exec. 0rder No. 27 na nilagdaan ng alkalde bunsod ng dumaraming kaso ng COVID-19 sa mismong lugar na umabot na sa 70 confirmed probable at suspected cases ayon kay 3rd District Board Member Macoy Matias, kung kaya't binigyan ito ng mga ayudang saku-sakong bigas ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna nina Nueva Ecija Gov. Oyie Umali, Vice Gov. Anthony Umali at dating Rep. Czarina Domingo-Umali matapos makatanggap ng mensahe mula sa residente ng lugar.
Nag-atas umano ang gobernador na ang bawat tahanan ay bibigyan ng isang sakong bigas kahit hindi nagpositibo sa naturang sakit.
Pasasalamat naman ang hatid ni Sta. Rosa Vice Mayor Marie Evangelista sa tulong ng kapitolyo sa kanyang nasasakupan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Samantala, as of September 22, 2021, umabot sa 104 ang kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Sta. Rosa, base sa datos ng DOH-NE
Light A. Nolasco