CAMP AQUINO, Tarlac City-- Aabot sa 595 na rebelde mula sa Region 1, 2, 3, at Cordillera ang kusang loob na sumuko sa pamahalaan mula Enero hanggang Agosto ng taong ito.
Ayon kay Lt. General Arnulfo Marcelo Burgos Jr., commander ng Northern Luzon Command (NOLCOM), isinuko rin ng 595 na rebelde ang kanilang 325 na armas.
Nabatid sa Heneral na ang pitong miyembro ng New People's Army (NPA) at mga supporters nito ay nagsuko rin ng walong matataas na uri ng armas sa loob ng limang araw ng September, 2021.
Ang nalalabi pang rebelde ay patuloy na pinakikiusapan ni Lt. General Burgos na sumuko na sa pamahalaan at harapin ang panibagong buhay.
Malaking bagay din aniya ang pag-implementa ng iba't ibang community development projects sa ilalim ng Barangay Development Program of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
LEANDRO ALBOROTE