Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga healthcare workers na huwag nang ituloy ang planong maglunsad ng protesta sa Setyembre 1.

Ani ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maapektuhan umano ang operasyon ng mga ospital kung itutuloy ang protesta.

“Kami ay nakikiusap sa ating mga healthcare workers because ito ay makakaapekto ng maigi sa ating operation sa ating hospitals,” sabi ni Vergeire nitong Sabado, Agosto 28.

Una nang naiulat na ilang grupo ng mga health workers kabilang ang Filipino Nurses United (FNU) at Alliance of Health Workers (AHW) ang maglulunsad ng kilos protesta sa Setyembre 1 kasunod nang mabagal ng kanilang pagdaloy ng benepisyo mula sa gobyerno.

National

Sen. Go, ibinahagi pakikipagkita nila ni Ex-Pres. Duterte kay INC leader Manalo

Siniguro naman ng DOH na ginagawa nito ang lahat para tugunan ang mga demands ng health workers.

“Ginagawa ng DOH ang lahat ng makakaya para maibigay po natin ang mga kahilingan at benepisyo ng ating mga healthcare workers,” sabi ni Vergeire.

Dagdag pa ng opisyal, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga mambabatas para maipamigay na rin ang special risk allowance sa mga health workers na hindi direktang nangangalaga sa mga COVID-19 patients.

“So, ngayon nakikipag trabaho tayo sa ating mga legislative bodies para magkaroon ng amenda itong batas para maisama na po lahat ng healthcare workers,” pagbabahagi ni Vergeire.

“Kailangan din maintindihan ng ating mga healthcare workers—- ang DOH po, kahit gusto namin gawin yan,” dagdag ni Vergeire.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang “Bayanihan to Recover As One Act,” ang special risk allowance ay ipinamamahagi lang sa mga manggagawang ospital na direktang nakakasalamuha ang mga COVID-19 patients.

Analou de Vera