Binasag na ni Kris Bernal ang kaniyang katahimikan hinggil sa hindi mamatay-matay na isyu na kaya umano hindi ni-renew ng GMA Kapuso Network ang kaniyang kontrata, ay dahil may attitude problem siya at nagpapataas ng talent fee.

Sa kaniyang latest vlog noong Agosto 22, hindi na napigilan ni Kris ang sarili na sagutin ang isyung ito na ipinupukol sa kaniya. Pinabulaanan niyang "Ate Chona" na siya at mataas umano ang demand sa pag-upgrade ng kaniyang talent fee, kaya imbyerna umano sa kaniya ang pamunuan ng Kapuso Network.

Screenshot mula sa YT/Kris Bernal

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

“In all honesty, wala akong maalala na nag-attitude ako. I come on time, I study my scripts, I do my job, I give my hundred percent all the time, hundred percent performance. Buong puso’t kaluluwa ang ibinibigay ko sa bawat character, bawat show," aniya sa kaniyang vlog.

Sa katunayan pa nga raw, siya mismo ang nag-alok sa kanila na babaan ang kaniyang talent fee, noong nag-expire na ang kaniyang kontrata noong 2020.

"Sige, kahit babaan n'yo na o kahit magkano lang po. I’m after doing shows because acting is my passion, more than the monetary. Syempre lahat naman tayo gustong maghanapbuhay lalo na ngayong pandemic, ang dami ring nawalan ng trabaho, agawan kayo sa trabaho," paliwanag niya.

Nang hindi umano ma-renew ang kaniyang kontrata, sinubukan umano niyang tumanggap ng ibang proyekto sa ibang network. Tinanggap niya ang proyektong "Ate ng Ate Ko" sa TV5 na umere mula Nobyembre 2020 hanggang Pebrero 2021. Sa halip umano na tumengga siya, mas pinili na lamang niyang magtrabaho dahil iyon ang gusto niya.

Isa pa, kailangan niya ring mag-ipon dahil ikakaasal na sila ng kaniyang fiance na si Chef Perry Choi.

Bago tanggapin ang proyekto sa TV5 ay maayos naman umano siyang nagpaalam sa pamunuan ng GMA-7, na naging tahanan niya sa loob ng 13 taon, at nagbigay rin naman sa kaniya ng mga markadong proyekto, kagaya na lamang ng teleseryeng "Impostora" na pinagbidahan niya. Tiniyak niyang wala siyang mababangga o masasagasaan sa kaniyang desisyon.

Sa usapin naman ng pagpapataas ng talent fee, inamin ni Kris na sumagi na sa isipan niya kung "worth it" pa ba ang ibinibigay sa kaniya. Hindi naman kasi umano siya mataas magpresyo, at aminado siyang "mura" lang siya.

Larawan mula sa IG/Kris Bernal

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng talent manager na si Arnold Vegafria ang career ni Kris. May mga nakalinya na umanong series at pelikula para sa kaniya ngunit hindi pa siya makakapagkuwento hinggil dito.