LUMAKI ako sa isang pamilya na buo ang pananampalataya at takot sa Maykapal na ang pinakagiya sa pamumuhay ay ang salita ng Diyos na nasusulat sa Banal na Kasulatan o Bibliya. Nakalulungkot lang na sa aking pagbibinata, nasilaw ako sa makinang na takbo ng buhay at nakisayaw sa naka-iindak na tugtugin ng aming makabagong henerasyon, kaya’t naisantabi ko nang mahabang panahon ang mga ginintuang bagay na ito.
Ngunit sa totoo lang, pakiramdam ko nama’y ‘di ko lubusang tinalikdan ang wastong daan na ito, kaya’t ‘di pa rin ako “naliligaw ng landas” na tinatahak – kaya panatag ang aking kalooban sa kasalukuyang pamumuhay…Feeling ko lang naman ito!
Nitong nakaraang araw, habang nagbabasa ng mga posting sa social media – upang makapulot ng isyung maisusulat na pang-kolum – medyo may naramdaman akong pitik sa aking puso na dumiretso sa aking utak, nang mabasa ang isang sitas sa Bibliya, ang nasusulat sa James 3: 1 (Santiago 3:1) na sadyang napapanahon, lalo na ngayong nasa gitna tayo ng mapaminsalang pandemiya.
Mula ito sa posting ng isang kaklase ko sa Torres High School (THS Batch-71) na kahit naninirahan na sa ibang bansa, ay ramdam na ramdam pa rin ang pag-aalala sa mga nangyayari sa ating Inang Bayan.
Sa panahong ito -- na ang social media ang pangunahing pinanggagalingan ng impormasyon ng mga tao – ang daming naglilitawan na magagaling na kababayan natin. Puna rito, pintas doon, na animo mga perpektong tao, kaya sa halip makatulong sa kapwa, lalong pinagugulo ang situwasyon, at nagdudulot pa tuloy ng sanrekwang dispalinghadong mga balita at opiniyon.
Nang mabasa ko ang unang talata sa posting, hinanap ko agad ang aking Bible na natagpuan ko sa isang sulok ng book shelves at napai-ibabawan ito ng mga magazine na hinggil sa mga gadget at telecommunication. Medyo nawirduhan ako sa aking ginagawa – pero itinuloy ko ang pagbuklat sa Banal na Kasulatan (Tagalog Version) at binasa ang buong Chapter 3 (Kabanata 3) ng aklat na Santiago (Prophet James) na may kabuuang 18 talata (verse).
Ito ang ilang bahagi na hinalaw ko para pandagdag sa “ginintuang kaisipan” na kailangang pagkain ng ating isipin, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Mula sa aklat ni Propeta SANTIAGO, kabanatang 3: “1 - Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. 2 - Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili. 3 - Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saan man natin naisin. 4 - Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto (Kapitan) sa pamamagitan ng napakaliit na timon. 5 - Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang. Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. 6 - Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. 7 - Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, 8 - ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay.”
Maganda pa ang laman ng mga kasunod na talata - kung gusto ninyong ituloy ang pagbasa, hanapin na ninyo at umpisahang basahin, ang sa aking palagay ay inaalikabok at inaamag ng aklat na Banal na Kasulatan (Holy Bible) sa madilim na sulok ng inyong bahay, at tapusin ang buong kabanatang ito na inumpisahan na nating basahin.
Think positive na lang tayo habang may quarantine - huwag kainisan ang dalawang linggong ECQ, bagkus ay isa-isip natin na ito’y natatanging mga araw upang palakasin (mag-bonding) natin ang pagmamahalan sa loob ng pamilya, na matagal na panahon din pinagwatak-watak ng makabagong uri ng pamumuhay sa mundong ating ginagalawan sa ngayon!
Mapagpalang pagbabasa ng salita ng Diyos sa unang araw na ito ng ECQ sa inyong mga lugar at ilayo nawa tayo ni JEHOVAH at ang ating buong pamilya sa kuko ng mapaminsalang COVID-19.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa:[email protected]