Naglabas na ng memorandum ang Manila City government upang paghandain ang 896 na punong barangay sa posibleng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Metro Manila bilang hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng Delta variant.
Inilabas ni brgy. bureau chief Romy Bagay ang memo nitong Hulyo 28 bago ianunsyo ng Malacañang ang pagpapalawig ng general community quarantine (GCQ) sa NCR mula Agosto 1 hanggang 7.
Sa nasabing memo, pinapayagan nang lumabas ng bahay na ang mga gustong magpabakuna kahit walang quarantine passes, basta maipakita lamang nila ang kanilang QR codes at waivers, ayon kay Mayor Isko Moreno.
Dagdag pa ng alkalde, ang mga quarantine pass ay hindi na kailangan pa ng pirma ng station commanders ng Manila Police District (MPD), na siyang may hurisdiksyon sa lugar kung saan nakatira ang magpapabakuna.
“To further carry out this directive, you are to extend all possible assistance to your constituents who wish to get vaccinated,” bahagi ng memo.
Sakaling magpatupad na nga ng ECQ, sinabi ni Bagay na isang quarantine pass na odd-even scheme ang ibibigay sa bawat pamilya at tanging ang mga authorized persons outside residence (APOR) lamang ang papayagang lumabas ng kanilang bahay alinsunod sa regulasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ang mga quarantine pass na nagtatapos sa 1,3,5,7 at 9 ay papayagang lumabas upang bumili ng kanilang pangangailangan sa mga itinakdang oras sa araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes at mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-12:00 ng tanghali tuwing Linggo.
Ang mga nagtatapos naman ng 2,4,6, 8 at 0 ay maaring lumabas ng Martes, Huwebes at Sabado at mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-6:00 ng hapon ng Linggo.
Samantala, pinagsabihan din ni Moreno si MPD director PBGen Leo Francisco na ihanda ang lahat ng mga station commanders at police community precincts para sa pagpapatupad ng regulasyon kaugnay ng posibleng pagbalik sa ECQ ng NCR.
Mary Ann Santiago