Walang plano si Manila Mayor Isko Moreno na magpatupad ng lockdown sa lungsod kahit pa nakapagtala na ng mga lokal na kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa.

Ang pahayag ay tugon ng alkalde sa mga nagtatanong kung magkakaroon ba ng lockdown dahil sa mga kumpirmadong local cases ng Delta variant.

Ayon kay Moreno, hindi dapat na mag-alala ang mga Manilenyo dahil sa ngayon ay walang balak ang lokal na pamahalaan na mag-anunsyo o magpa-iral ng lockdown.

Ipinaliwanag niya na kapag nagpatupad sila ng lockdown ay maraming tao ang maaapektuhan ang trabaho, at marami rin aniya ang tiyak na magugutom.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa halip naman na lockdown, sinabi ni Moreno na palalakasin pa nila ang kanilang isinasagawang COVID-19 vaccination upang maproteksiyunan ang mga mamamayan laban sa virus.

Nanindigan pa ang alkalde na ang bakuna kontra COVID-19 ang pinakamabuting solusyon sa ngayon, kasabay nang mahigpit na pagsunod ng bawat isa sa mga umiiral na health at safety protocols.

Tiniyak rin naman ni Moreno sa mga mamamayan na gagawa ang lokal na pamahalaan ng mga pamamaraan upang makakuha ng dagdag na supply na COVID-19 vaccines at magtuloy-tuloy ang bakunahan sa Maynila.

Mary Ann Santiago