ABRA - Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Brgy. Lubong Proper, Bangued ng nasabing lalawigan, nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ni Police Regional Office-Cordillera Information officer Capt. Marnie Abellanida, ang biktima na si Robert Villastiqui, kasalukuyang kapitan ng Lubong, Bangued.
Sinabi ni Abellanida, nagresponde lamang ang mga tauhan ng Bangued Municipal Police nang itawag sa kanila na may naganap na pamamaril sa nabanggit na lugar, dakong alas 6:20 ng umaga.
Sa imbestigasyon, patungo sana ang biktima sa isang tindahan upang bumili ng sigarilyo sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang sumulpot ang suspek sa kanyang dinadaanan at pinagbabaril ito.
Dead on the spot ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan, ayon sa pulisya.
Kaagad na tumakas ang suspek na naka-suot ng pulang long sleeve, black short pants at bull cap patungong provincial road saCasiliEast ng naturang bayan.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa kaso.
Zaldy Comanda