Isang magandang balita na sa wakas, mayroon nang bagong arsobispo ang Maynila sa katauhan ni Cardinal Jose Fuerte Advincula. Bilang bansa na may pinakamalaking populasyon ng Katoliko sa Asya, Maynila ang pinakamalaking archdiocese, na may higit 80 parokya na nagsisilbi sa tatlong milyong deboto. Itinalaga ni Pope Francis si Cardinal Advincula bilang archbishop, na nabakante sa loob ng 15 buwan, matapos matalaga si Cardinal Luis Antonio Tagle sa Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa Vatican noong Disyembre 8, 2019.
Sa isang profile, bago ang pagkatalaga si Cardinal Advincula ay dating arsobispo ng archdiocese ng Capiz, ang probinsiya kung saan siya ipinanganak noong 1952. Nag-aral siya ng high school sa Pius X Seminary High School sa Roxas City. Kalaunan, kumuha siya ng theology sa University of Santo Tomas.
Nagsimula ang kanyang buhay bilang pari noong 1970. Mula dito, nag-aral si Advincula sa iba’t ibang unibersidad tulad ng UST at De La Salle University, at sa Pontifical University of St. Thomas Aquinas-Angelicum sa Rome, Italy, kung saan niya nakamit ang licentiate sa Canon Law. Naordinahan siya bilang pari noong 1976.
Matapos ang mag-aral, nagsilbi siya sa seminaryo ng Archdiocese ng Nueva Segovia sa Vigan, at Jaro, Iloilo. Noong 1995, bumalik siya sa kanyang bayan kung saan siya naging rector ng St. Pius X Seminary sa Capiz, hanggang sa italaga siyang bilang parish priest ng St. Thomas of Villanueva Church sa munisipalidad ng Dao.
Sa pagsisimula ng millennium, itinalaga siya ni Pope John Paul II bilang obispo ng San Carlos at makalipas ang isang dekada, pinangalanan naman siya ni Pope Benedict XVI bilang arsobispo ng kanyang pinagmulang Archdiocese ng Capiz. Pinangalanan naman siyang cardinal ng sumunod na Papa sa isang consistory noong Nobyembre 28, 2020.
Nang pormal na itinalaga si Cardinal Advincula bilang 33rd archbishop ng Maynila nitong Hunyo 24, 2021,isang mahalagang panahon ito kung saan lahat tayo ay pagod sa patuloy na pananalasa ng pandemya at panganib ng mas nakahahawang variants dagdag pa ang kakulangan sa bakuna. Isa rin itong nahahating sitwasyon sa kasaysayan, habang nagbabago ang ihip ng politika bilang paghahanda sa eleksyon 2022. Batid man niya o hindi, si Cardinal Advincula ngayon ang may “pinakamalaking” pulpito sa lahat, at ang kanyang mga salita—at impluwensiya—ay magdadala ngayon ng mas malakas at mas mabigat na mensahe.
Taliwas sa kanyang tungkulin noon sa Capiz, responsibilidad niya ngayon sa Maynila na gabayan ang mga Katoliko na nahaharap sa sarili nilang pagdurusa. Dahil sa mapangwasak na pandemya, maraming ang nawalan ng kanilang hanapbuhay, kabuhayan, at seguridad sa buhay; ilan ang nawalan pa ng mahal sa buhay—at sa proseso, nawalan ng pananalig sa Diyos. Bilang lider ng Archdiocese ng Maynila, nawa’y mahanap ni Cardinal Advincula ang mga naligaw ng landas at gabayan sila pabalik sa tamang landas.
Hangad natin ang kanyang tagumpay at ipagdarasal natin siya sa kanyang pamumuno sa panahong ito sa pagsubok.