Bumaba pa ng may 9% ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) nitong nakalipas na linggo.
Sa latest monitoring report na inilabas ng independiyenteng OCTA Research Group, nabatid na ang Metro Manila ay nakapagtala na lamang ng average na 667 bagong kaso ng sakit araw-araw mula Hunyo 21 hanggang 27.
Ito ay mas mababa anila sa average na 731 daily new infections noong Hunyo 14 hanggang 20.
Samantala, ang average daily attack rate (ADAR) naman ng NCR ay nasa 4.83 cases per 100,000 population, kaya’t klasipikado na ito bilang moderate-low risk area.
Ang positivity rate naman nito ay nasa 7% na mas mataas pa rin ng bahagya sa benchmark ng World Health Organization (WHO) na 5% pababa.
Ang reproduction number naman sa rehiyon ay nasa 0.80, mula sa dating 0.71 noong nakaraang linggo, habang ang buong Pilipinas naman ay nakapagtala ng 0.92.
Nakapagtala rin ang Metro Manila ng 36% na hospital bed occupancy rate at 45% intensive care unit (ICU) bed utilization rate, habang nasa 32% naman ang mechanical ventilators na ginagamit pa.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na ang NCR ay itinuturing nang low-risk area sa COVID-19 dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng sakit na naitala sa rehiyon.
Anang OCTA, ang Navotas, San Juan, at Pateros ang nakapagtala ng pinakakaunting bilang ng mga kaso ng sakit kada araw, na hindi pa umaabot ng 10 kaso.
Ang Navotas rin ang nakapagtala ng pinakamababang ADAR na nasa 1.93.
Lahat naman umano ng lungsod sa Metro Manila ay klasipikado na ngayon bilang moderate o moderate-low risk areas dahil sa mababang ADAR.
Samantala, naobserbahan rin naman ng OCTA na bumagal na ang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa ilang lugar sa labas ng NCR, habang marami ang nakitaan ng negative one-week growth rates.
Kabilang dito ang Bacolod, Iloilo City, Cagayan de Oro, Baguio City, Tacloban, Tagum, at Zamboanga City.
Mary Ann Santiago