Sinabi ng Moderna nitong Huwebes na may 96 porsiyentong bisa ang COVID-19 vaccine nito sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17, base sa resulta ng first clinical trials nito.
Nasa 66% ng 3,235 participants sa isinagawang mga trial sa United States ang binigyan ng bakuna habang ang natitira ay binigyan lamang ng placebo.
“The study showed vaccine efficacy against COVID-19 of 96%; mRNA-1273 was generally well tolerated with no serious safety concerns identified to date,” pahayag ng kompanya.
Nakadetekta ang test ng 12 kaso ng coronavirus 14 na araw matapos ang unang shot. Para sa intermediate results na ito, binatayan ang mga participants sa loob ng 35 araw matapos ang ikalawang injection.
Sinabi ng pharmaceutical company na anumang side effects na lumabas ay “mild or moderate in severity,” na kalimitan ay pananakit sa bahagi na tinurukan. Sa ikalawang shot, kabilang naman sa naitalang side effects ang “headache, fatigue, myalgia and chills,” tulad sa mga naobserbahan sa mga adults na tumanggap ng bakuna.
“No serious safety concerns have been identified to date,” anito.
Pagbabahagi ng Moderna, kasalukuyang “in discussions with regulators about a potential amendment to its regulatory filings” upang maawtorisa ang bakuna para sa naturang age group. Kasalukuyan mayroon lamang itong certified para sa mga tao na nasa edad 18 pataan sa mga bansa na naaprubahan na ang bakuna.
Una nang nakapag-apply ng authorization para sa kanilang bakuna ang Pfizer at BioNTech para maibigay sa edad na 12-15 anyos sa United States at Europe. Nitong Miyerkules Canada ang naging unang bansa na nagbigay ng awtorisasyon sa Pfizer para sa nabanggit na age group.
Ang pagbabakuna sa mga kabataan (teens) ang sunod na hakbang ng kampanya sa Amerika upang mapigilan ang epidemya. Sinimulan na rin ng Moderna ang trials para sa mga bata na nasa edad anim hanggang 11 taong gulang nitong Marso.
Inanunsiyo naman ng Pfizer at BioNTech nitong Martes na umaasa silang makapaghain ng emergency authorization request para sa kanilang bakuna para naman sa mga batang nasa edad dalawa hanggang 11-anyos sa Setyembre sa United States.
Sinabi ni Pfizer CEO Albert Bourla na maaaring makapag-apply ang kumpanya para sa “authorization to inoculate children aged between from 6 months and two years in the fourth quarter.”