Direktang bumuwelta si 2025 Ramon Magsaysay Award awardee Fr. Flavie Villanueva kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa umano’y naging madugo nitong kampanya sa giyera kontra droga sa bansa noon.
Ayon isinagawang misa ni Fr. Flavie para sa unang taong anibersaryo ng pagkakatugis ng International Criminal Court (ICC) kay FPRRD nitong Miyerkules, Marso 11, 2026, sinabi niya sa kaniyang homiliya na mananatili na raw ang dating Pangulo sa detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands habambuhay.
“Duterte na nagpapatay, sa Hague ka habambuhay,” aniya sa harap ng pamilya ng mga biktima ng war on drugs na dumalo sa kaniyang misa.
Ani pa ni Fr. Flavie, huwag daw maging malungkot si FPRRD dahil sasamahan umano siya ng mga senador na sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go.
“Sa Hague ka habambuhay. Huwag kang malungkot, sasamahan ka ni Bato at ni Bong Go,” pag-uulit pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa naman inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo at pamilya ni FPRRD kaugnay rito.
Matatandaang eksaktong isang taon na ang nakalipas, Marso 11, 2025, mula nang maaresto at dalhin sa The Hague, Netherlands si FPRRD upang harapin ang kinasasangkutan umano niyang mga kasong crimes against humanity sa ICC.
Sa kasalukuyan, nakapiit pa rin si FPRRD sa detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands.
Habang kamakailan lang ay tuluyan nang pinagtibay ng (ICC) Appeals Chamber ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na manatili siya sa kulungan.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Unang anibersaryo mula sa pagtugis ng ICC kay FPRRD hanggang sa pagdinig ng confirmation of charges
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Pulong, inalala anibersaryo ng pagkakakulong ni Digong