ni MARY ANN SANTIAGO
Pabor si Health Secretary Francisco Duque III na palawigin pa ang ipinaiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus areas, sa loob ng isa o dalawang linggo upang mapababa pa ang bilang ng naitatalang bagong COVID-19 cases.
Paliwanag ni Duque, hindi pa kasi humuhusay ang health systems capacity at marami pang pagamutan ang nasa critical risk classification dahil sa pagdagsa ng COVID-19 patients.
“Tingin ko kailangan ipagpatuloy ang MECQ for another week or two dahil nga ang health systems capacity natin, hindi masyadong nag-iimprove pa sa ngayon,” anang kalihim, sa panayam sa radyo. “Iyong ibang siyudad [sa Metro Manila], critical pa ang risk classification ng kanilang ICU (intensive care unit),” aniya pa.
Nagbabala pa si Duque na posibleng muling tumaas ang COVID-19 infections kung paluluwagin ang quarantine classifications .
“Ipagpatuloy muna natin ang MECQ para kitang-kita o malaki ang pagbaba ng mga bagong kaso at magkaroon ng reversal ng trend,” aniya.
Matatandaang matapos ang pagpapairal ng enhanced community quarantine (ECQ) mula Marso 29 hanggang Abril 11, ay isinailalim naman sa MECQ ang NCR Plus areas simula Abril 12 hanggang sa Abril 30.
Sa ilalim ng MECQ, ipinagbabawal pa rin ang mga non-essential trips at sarado ang mga non-essential businesses at services.
Si Duque, bilang kalihim ng Department of Health (DOH), ang siyang chairman ng Inter-Agency Task Force (IATF) na siyang policy-making body ng COVID-19 response ng pamahalaan.
Anang kalihim, nakatakdang magpulong ang IATF upang talakayin ang magiging susunod na quarantine status sa NCR Plus areas pagsapit ng Mayo.