Ni Edwin Rollon

ALCANTARA — Pinatatag ng MJAS Zenith-Talisay City ang bansag bilang title-favorite nang kalusin ang Tabongon, 104-75, nitong Biyernes para sa ikalawang sunod na panalo sa second-round ng Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center.

Nahila ng Aquastars ang dominasyon sa second- round para sa ikapitong sunod na panalo sa kabuuan sa six-team double-round elimination ng torneo na itinataguyod ng Chooks-to-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB).

Mas matikas at mas malupit na Aquastars ang nakaharap ng Tabongon sa larong halos alam na ang kaganapan matapos maitarak ang 19 puntos na bentahe, 47-28.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sumabak ang Tabongon galing sa impresibong 76-73 panalo laban sa liyamadong ARQ Builders Lapu-Lapu City. Sa pagkakataong ito, hindi umubra ang kanilang lakas para makamit ang ika-apat na kabiguan sa pitong laro.

Limang reserved players ang umiskor ng double digit sa MJAS, sa pangunguna nina Lord Casajeros at homegrown talent Joshua Dela Cerna na tumipa ng tig-14 puntos, habang kumubra sina Jan Jamon ng 12 puntos, anim na rebounds, at dalawang assists at kumana sina Patrick Cabahug, Dave Moralde, at Egie Boy Mojica ng tig-11 puntos.

"This is our third game in four days and we have another game tomorrow. Buti we were able to manage the minutes of our players and no one played more than 20 minutes," pahayag ni Aquastars head coach Aldrin Morante.

Nanguna sa Tabongon sina Arvie Bringas at Joemari Lacastesantos na may tig-14 puntos, habang umiskor si Christian Diaz ng 13 puntos at 11 rebounds.

Iskor:

Talisay City (104) — Dela Cerna 14, Gimpayan 14, Jamon 12, Cabahug 11, Moralde 11, Mojica 11, Casajeros 7, Mabigat 6, Hubalde 4, Menina 4, Egilos 3, Cuyos 3, Santos 2, Villafranca 2, Acuña 0.

Tabogon (75) — Bringas 14, Lacastesantos 14, Diaz 13, Bersabal 10, Orquina 9, Caballero 6, Sombero 4, Vitug 3, Delos Reyes 2.

Quarterscores: 20-16, 47-28, 73-47, 104-75