ni BERT DE GUZMAN
Palalakasin at susuportahan ang sektor ng agrikultura sa Mindanao upang makatulong sa pagharap sa epekto ng pandemya sa rehiyon.
Tinalakay ng House Committee on Mindanao Affairs noong Martes ang kalagayan ng agrikultura sa Mindanao sa gitna ng pananalasa ng Covid-19 pandemic.
Sinabi ni Committee Chairman Rep. Mohamad Khalid Dimaporo ng Lanao del Norte, na ang 2021 National Budget, partikular sa agrikultura, ay lubhang nakakiling sa Luzon kung kaya ang Mindanao ay tumatanggap ng pinakamababang alokasyon.
Sa pagdinig, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar ang hangarin at commitment ni Pangulong Duterte na masigurong ang pamumuhunan o investments ay patuloy na dumaloy sa Mindanao region upang maisulong ang food security at resiliency.
Nangako si Dar na magla-lobby para sa karagdagang mga pondo para sa Mindanao at pagsuporta sa pagtatayo ng mahahalagang infrastructures, gaya ng farm-to-market roads at provincial marketplaces.
Sinabi naman ni National Irrigation Authority (NIA) Administrator Ricardo Visaya na ang kanilang ahensiya ay magpapatupad ng isang National Irrigation Master Plan na ang layunin ay “achieving food security and poverty reduction through accelerated and sustained irrigation development under diversified crop production systems.”
Sa panig ni Mindanao Development Authority (MinDA) Chairman Emmanuel Piñol, iniulat niyang ang MinDA ay nakatuon ang pansin sa pagpapalakas ng productivity, paglutas sa kahirapan, sa kapayapaan at mabilis na economic recovery para sa benepisyo ng iba't ibang industriya sa sa region.