Ni Bella Gamotea
Arestado ang isang magpinsan matapos diumanong maaktuhang iligal na nagsusugal at makumpiskahan pa ng hinihinalang iligal na droga na nagkakahalaga ng P374,000 at baril sa isang intelligence driven operation sa Makati City, nitong Miyerkules.
Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at PD 1602 (lllegal Gambling) ang kakaharapin ng mga suspek na sina Von Andrei Polero,alyas Von-von, 29, binata at John Ray Rolle y Polero,alyas John Ray, 34, kapwa nakatira sa Barangay Pembo, Makati City.
Sa ulat ni MSG Jun P Alimurong, may hawak ng kaso, nagsagawa ng intelligence driven operation ang mga tauhan ng Station Intelligence Section sa pangunguna ni Lt. Angelo Mendoza sa Cadena de Amor Street, Bgy. Pembo, Makati City na ikinaaresto ng magpinsan dakong 4:30 ng hapon.
Nag-ugat ang operasyon matapos matanggap ang impormasyon mula sa Barangay Information Network (BIN) na may grupo ng indibiduwal na nagsasagawa ng iligal na sugal na dice at ang bentahan ng iligal an droga sa lugar.
Nadatnaan ng mga nakasibiliyang operatiba ng SIS ang mga suspek na nagsusugal ng dice.
Narekober ang P380 na pusta sa sugal, at nakumpiskahan ng isang caliber.38 revolver na may apat na bala ng baril si alyas Von-Von at 11 pakete ng 55 gramo ng umano’y shabu.