ni Mary Ann Santiago
Naka-lockdown na ang San Agustin church sa Intramuros, Maynila matapos na bawian ng buhay ang kura paroko nito dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ulat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), si Augustinian Fr. Arnold Sta. Maria Cañoza ay sumakabilang-buhay sa edad na 45, matapos na dapuan ng virus kamakailan.
Sinuspinde na rin ang lahat ng aktibidad at operasyon ng simbahan simula kahapon.
Kaugnay nito, umaapela naman ang Caritas Manila at church-run Radio Veritas ng panalangin para sa mabilis na paggaling ng pinuno ng dalawang institusyon ng Simbahang Katolika na si Rev. Fr. Anton Pascual at ilang kasamahan nito, matapos magpositibo sa COVID-19.
Nabatid sa isinagawang RT-PCR swab test na positibo si Pascual at ilang opisyal at kawani ng Caritas Manila sa COVID-19.
Kasalukuyang nagpapagaling sa COVID-19 si Pascual sa Cardinal Santos Medical Center habang naka-quarantine naman ang mga kawani ng Caritas Manila na nagpositibo sa sakit.