WALONG pambatong bilyarista mula sa iba’t -ibang lugar ang magtatagisan ng galing sa larangan ng 8-ball billiards competition na sasargo sa balwarte ng mga Batangueño.
Ang torneo, ayon kay event organizer Erick Kirong ay nakatakda sa Abril 3 sa Casa Adela, Barangay Cumba sa Lungsod ng Lipa. Ang pinaka-aabangang torneo na ipinangalan sa 4 na taon nang pumanaw na patriarko ng pamilya Kirong ay kakarambola mismo sa araw ng kanyang kaarawan- ang Ist Sergio Verano Kirong Invitational 8-Ball Billiards Tournament -- ay inaasahang dadagsain ng pool enthusiasts, ngunit batay sa ipatutupad na ‘safety and health’ protocol.
Magpapakitang- gilas ang mga pool sharks mula Katagalugan na sina Raul Dolatre, Kenneth Medina,Nelson Cao , Alvin Librea,Nomer Panganiban,Rene Boy Resare, Victor Hernandez at mismong si host Kirong.
Naghihintay ang premyo at tropeo sa magwawagi sa knockout system gayundin para sa segunda, tersera at pang-apat na puwesto.
“Ang sport na billiards ang isa sa popular na larangan sa bansa bukod sa basketball. Ito ay nakapagbibigay ng karangalan sa bansa sa international competitions na binigyang inspirasyon ng mga alamat na sina Efren ‘Bata Reyes, Django Bustamante, Dennis Orculio na pawang world champions at gold medalists.This memorable event is dedicated to our beloved patriarch” wika ni Kirong na isa ring basketball enthusiast,organizer at patron.
Si Erick Kirong na team owner ng multi- titled commercial basketball team sa Metro Manila na Macway ay may adbokasiya ring isulong ang sports program para sa kabataan sa larangan ng basketball, volleyball, billiards at iba pang sports na pang- grassroot level sa Lipa, Batangas pag nagapi na ang pandemya tungo sa new normal ng pamumuhay.