Pansamantalang isasarado ang punong tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City para bigyang-daan ang isang ‘complex-wide disinfection’ at contact tracing activity.
Sa isang paabiso, sinabi ng DepEd na ang temporary closure ng kanilang main office ay sinimulan nitong Huwebes at magtatapos hanggang sa Marso 24, Miyerkoles.
Tiniyak naman ng DepEd na kahit sarado ang punong tanggapan ay tuloy pa rin ang trabaho nila dahil naka-work-from-home arrangement ang kanilang mga personnel.
“Bagaman lahat ng kawani ng Central Office ay nasa work-from-home arrangement sa nasabing linggo, makakaasa ang publiko na ang Kagawaran ay mananatili sa normal nitong operasyon nang walang antala. Magpapatuloy ang pampublikong serbisyo gamit ang birtuwal at alternatibong mga paraan,” bahagi pa ng paabiso nito.
Hinikayat rin nito ang kanilang mga tauhan na sa panahong ito ay manatili na lamang muna sa kanilang mga tahanan para sa kanilang kaligtasan. Pinaalalahanan rin ng ahensiya ang publiko na istriktong tumalima sa ipinaiiral na health protocols sa lahat ng pagkakataon upang makaiwas sa posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Muli naming pinaaalalahanan ang aming mga kawani na iwasang umalis sa kanilang mga tahanan sa panahong ito para sa kanilang kaligtasan. Gayundin, nais naming ipaalala sa publiko na mahigpit na sundin ang mga tuntunin at mga pamantayang pangkalusugan sa lahat ng oras para sa kaligtasan ng lahat. Manatiling protektado laban sa panganib ng virus,” anito pa.
Ang sinuman anilang may katanungan o impormasyong nais na malaman ukol sa mga serbisyo ng DepEd, ay maaaring makipag-ugnayan sa Public Assistance and Action Center (PAAC) ng Kagawaran sa pamamagitan ng mobile number na (Smart) 0919-456-0027 at (Globe) 0995-921-8461 o di kaya ay mag-email sa [email protected]