ni Celo Lagmay
NANG lumutang sa Kamara kamakailan ang planong baguhin ang petsa ng pagpapadala ng 500 piso buwanang ayuda sa mga senior citizen, lumutang din ang paulit-ulit na katanungan: Kailan kaya madadagdagan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naturang halaga?
At nang itinakda ng Kamara sa pamamagitan ng isang panukalang-batas na naglalayong paikliin ng tatlong buwan -- mula sa kasalukuyang anim na buwan -- ang pagpapadala ng nasabing ayuda, lumutang naman ang isa pang pagtatanong: Bakit hindi pa gawing buwanan na lamang upang hindi masyadong mainip sa paghihintay sa katiting na halaga ang mga nakatatandang mamamayan? Isipin na lamang na anim na buwan pa ang ipaghihintay ng mga senior citizen bago sumayad sa kanilang mga kamay ang nabanggit na munting halaga.
Nais kong bigyang-diin na ang nabanggit na mga pananaw ay hindi nangangahulugan ng pagmaliit natin sa tulong ng gobyerno. Naniniwala ako na ito ay sumasagisag sa matapat na pagmamalasakit ng administrasyon sa mga nakatatandang mamamayan na talaga namang nangangailangan ng anumang pagdugtong-buhay, wika nga; lalo na nga kung iisipin na karamihan sa amin ay nasa dapit-hapon na ng buhay na uhaw sa pagmamalasakit ng kapuwa.
Sa bahaging ito, hindi marahil isang kalabisan na untagin ang damdamin ng Duterte administration hinggil naman sa naudlot na isang libong piso pang dagdag sa pensiyon ng mga Social Security System (SSS) retirees; magiging karagdagan ito ng naunang isang libong pisong ipinagkaloob ng gobyerno sa mga nakatatandang mamamayan.
Muli, nais kong bigyang-diin na ang gayong paglalambing ay hindi nangangahulugan na tayo ay ingrata, wika nga, sa pagmamalasakit ng pamahalaan. Manapa, nais lamang nating ipadama sa mga kinauukulan na ang hinahangad nating ayuda ay katumbas ng ating matapat at kapakipakinabang na serbisyo sa pinaglingkuran nating mga tanggapan; bahagi ito ng lambing ng katulad naming mga octogenarians at nonagenarians -- yaong mga otsenta at nobenta anyos na ng kanilang pakikipagsapalaran sa planetang ito.
Ang pagpapabilis ng pagpapadala ng anumang ayuda sa mga nakatatandang mamamayan -- at ang posibleng pagdagdag sa anumang benepisyo para sa kanila -- ay pinaniniwalaan kong isang makataong hakbang at pagmamalasakit lalo na ngayon na matindi pa ang banta ng nakamamatay na coronavirus.