ni Bert de Guzman
SINISIKAP ng Philippine National Police (PNP) na maging malusog at mabawasan ang timbang (weight) ng mga tauhan nito upang maging kanais-nais ang pangangatawan at hindi mahirapan sa pagtupad sa tungkulin, gaya ng paghabol sa mga kriminal sakaling maghabulan.
Inilunsad ng PNP noong Marso 4 ang isang weight loss program na tinawag na “Chubby Anonymous” upang tulungan ang may 300 matatabang pulis (obese police officers) na bumaba ang timbang.
Si PNP chief Gen. Debold Sinas ay aminadong mataba rin na kailangang magbawas ng timbang o magpapayat. Pinangunahan niya ang paglulunsad ng proyekto (Chubby Anonymous) sa Camp Crame na nataon sa World Obesity Day.
Hiniling ni Sinas sa mga lumahok na seryososhin ang programa sa pagbabawas ng timbang dahil hindi lamang ang adhikain ay mapabuti ang imahe ng PNP kundi masiguro na sila ay may mabuting health lifestyle. Sinamahan niya ang police officers sa isang exercise routine sa tono o himig ng Voltes 5, ang paborito niyang Japanese anime.
Ayon kay Sinas, sinimulan niya ang programang pagpapayat matapos maobserbahan na maraming police officers ang obese o mataba. Binanggit ang PNP record, sinabing may 1,000 PNP members na nakatalaga sa Metro Manila ang overweight o labis sa timbang.
Bagamat hindi naman niya iri-relieve ang overweight policemen sa kanilang puwesto, nagbabalang hindi naman sila mapo-promote hanggang hindi bumababa ang timbang. “Isa sa kanila ang nakikiusap na ma-promote bilang heneral (one star rank). Sabi ko as long as I am your chief PNP I will not promote you until maging visible yung pagka-impis mo.”
Inihayag ng matabang PNP chief na nawalan na siya ng 55 pounds sa nakalipas na anim na buwan. Siya raw ngayon ay may timbang na 247 pounds, tanging 32 pounds na kulang sa ideal weight na 215 pounds.
Badya ni Sinas: “For the last six months 55 pounds na nawala. Hindi ba halata?” tanong sa mga reporter sa inagurasyon ng PNP Internal Affairs Service building sa Camp Crame. Aniya, hindi dapat mahiya ang overweight police officers sapagkat mataba basta sila ay honest sa kanilang propesyon.
“Hindi ibig sabihin mataba ka ay mahihiya ka. Be proud of yourself kung wala ka naman ginagawang masama,” payo ng matabang PNP chief na nagsisikap pababain ang timbang.
Dumating na rin sa Pilipinas ang mga bakuna ng AstraZeneca sa ilalim ng COVAX noong Huwebes ng gabi. Sinalubong ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pagdating ng AstraZeneca vaccines at pinasalamatan ang international community para sa COVAX Facility na naging posible ang donasyon.
Una rito, dumating sa PH ang 600,000 doses ng Sinovac na donasyon ng China. Ang AstraZenera ay 487,200 doses naman mula sa Belgium lulan ng KLM flight na may stopover sa Bangkok, Thailand. “Nakikita na ang katapusan,” masayang bulalas ni PRRD.
Kasama ng Pangulo na sumalubong sa AstraZeneca vaccines si Rabindra Abeyasinghe, ang country representative ng World Health Organization, na nag-initiate sa COVAX Facility noong Abril 2020 kasama ang Gavi, ang Vaccine Alliance, United Nations Children’s Fund, European Commission at France.
Salamat at dumarating na sa ating bansa ang iba’t ibang bakuna mula sa ibayong dagat. Umaasa ang mga Pinoy na darating na rin sa PH ang mga bakuna ng Moderna, Pfizer-BioNTech atbp. Sige, magpabakuna na tayo!