ni Ric Valmonte
“For those who do not want to be vaccinated, okay lang sa akin. Wala akong problema. Ayaw ninyong magpabakuna? Okay that is your choice,” sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa press conference nitong Linggo matapos tanggapin ang dumating na bahagi ng Sinovac vaccine na idinonate ng China. Kaya lang, aniya, itong pag-aatubili ng mga iba na magpabakuna ay baka makahadlang sa layunin ng gobyerno na makamit ang herd immunity laban sa sakit.” Herd immunity is a science. As a layman, herd immunity is achieved only kung yong nakapalibot sa iyo ay nabakunahan na, so there is no more chance for you to acquire the disease because wala nang mag-contaminate sa iyo,” dagdag pa niya.
Ang problema, sa pagnanais ng Pangulo na magkaroon na ng kawan na ligtas na sa sakit dahil wala na iyong opurtinidad na magkahawaan pa, ay ang ipinatuturok na gamot ay ang Sinovac. Hindi ko alam kung ang gobyerno ay umiiwas sa gastos dahil donasyon lang ng China ang vaccine. Pero, pumipili pala ang bakuna ng tatanggap nito. Kapag matanda na ay hindi pala nararapat ito. Kaya, si Health Secretary Francisco Duque, bagaman nasa media na nagturok ng bakuna, hindi pala ito nagpabakuna dahil 64 na taon na ito. Eh lalo si Pangulong Duterte na 75 na kanyang edad. Kaya, ang dalawang ito ay hindi kabilang sa mga naunang nabakunahan. Ayon sa Pangulo, humiling siya ng ibang brand ng COVID-19 vaccine para sa kanya, sa kanyang pamilya at posibleng sa ibang miyembro ng kanyang Gabinete hindi dahil ayaw niya sa Sinovac. “May nasa isip ang aking doctor. Chinese brand din pero hindi ito. Siya ang nakakaalam ng aking pangangatawan,” wika ng Pangulo.
Tama ang Pangulo. Dahil may mamamayan na ayaw pabakuna ng Sinovac, makakahadlang ito sa kanyang pagnanais na magkaroon ng herd immunity. Kasi naman, ang alam nila, at ang pinaghahandaan ng gobyernong darating, ay ang Pfizer o AstraZeneca. Nauna na ang mga ito na nakakuha sa Food and Drug Administration (FDA) ng emergency authorization to use kaysa Sinovac. Hindi pa nga ito nakasumite ng ganitong kahilingan sa FDA. Upang mauna ang Sinovac, huli na nang ipaalam ni czar vaccine Galvez na kailangan ang indemnity agreement at kaukukulang batas hinggil dito. Mabilis nga na nagawa ang batas, pero nakasumite na ang Sinovac ng kahilingan para sa emergency authority to use. Kaya, paanong magkakaroon ng herd immunity eh may mga mamamayan na walang pananalig sa Sinovac. Unang-una, mahigit 50% lang ang bisa nito, ikalawa, hindi pala pwedeng ipagamit sa ilang grupo tulad ng mga may edad na, ikatlo, hindi nakahayag ang clinical records nito at hindi iniendorso ng Health Technology Assessment Council. Hindi naman pwede na dahil Sinovac lang ang naririto sa bansa ay ito na ang pagtitiyagaan na lang. Buhay ang nakataya rito. Kung sina Pangulong Duterte at Sec. Duque ay ayaw magsugal gayong nasa kanilang kapanyarihan ang lahat ng gamot, doctor, ospital at paraan kung sakali mang magkaroon ng komplikasyon ang bakunang Sinovac sa kanila, bakit naman natin aasahan ang mamamayan lalo na ang mga dukha na gawin ang ayaw gawin ng dalawa