LOS ANGELES (AP) — Nabitiwan ng Los Angeles Lakers ang 14 puntos na bentahe tungo sa masakit na kabiguan sa Golden State Warriors sa kanilang unang pagtatagpo.
Sa ikalawang pagkakataon, walang kamalian sa hanay ng Lakers.
Sa pangunguna ni LeBron James na kumana ng 19 puntos sa kanyang makasaysayang 1,300th regular-season appearance, ibinaon ng Lakers ang Warriors sa 20 puntos tungo sa dominanteng 117-91 panalo nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Mula sa 20 puntos na bentahe sa first quarter, isinara ng Lakers ang iskor sa 73-44 sa halftime.
“Our starters played terrific,” pahayag ni Lakers coach Frank Vogel.“They had a mindset to make sure they took care of business against a team that stole one from us the last time.”
Nag-ambag si Kyle Kuzma ng 12 puntos at 11 rebound, habang kumana si Alex Caruso ng season-high 13 puntos.
Naglaro ang defending NBA champions na wala ang star forward na si Anthony Davis na nagpapagaling sa tinamong strain sa kanang calf.
Tinanghal si James na ika-23 player sa kasaysayan ng NBA na nakapaglaro ng regular-season games sa mahigit 1,300.
Nanguna si Eric Paschall sa Warriors na may 18 puntos, habang nalimitahan si Stephen Curry sa 16 puntos at tumipa si Kelly Oubre Jr. ng 14. Hindi nakalaro si Draymond Green sa kabuuan ng second half nang magtamo ng sprained sa kanang paa.
SUNS 118, WOLVES 99
Sa Minneapolis, hataw si Devin Booker sa naiskor na season-high 43 para sandigan ang Phoenix Suns sa pagtupok sa Minnesota Timberwolves.
Sa iba pang laro, ginapi ng Milwaukee Bucks, sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo na may 36 puntos, ang Los Angeles Clippers, 105-100;tinalo ng Memphis Grizzles ang Houston Rockets, 133-84; namayagpag ang Boston Celtics sa Washington Wizards, 111-110;
nanaig ang New York Knicks sa Detroit Pistons,109-90; pinabagsak ng Miami Heat ang Atlanta Hawks,109-99.