Iminungkahi ni Eastern Samar lone district Rep. Christopher Sheen Gonzales ang House Bill (HB) No. 122, isang panukala na layong gawing “special non-working holiday” sa kanilang lalawigan ang petsang Marso 17, ang araw na tumapak ang Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan sa isla ng Homonhon noong 1521.
Ayon kay Gonzales, ang inisyatibong ito ay ninanais na panatilihin ang “cultural heritage” ng bansa, at bigyang-importansya ang aniya’y kauna-unahang “recorded contact” ng Pilipinas sa mga kanluranin.
Anang kongresista, ito rin daw ay may mithiing bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na unawain ang kasaysayan at ang “lasting impact” ng Kristiyanismo sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing panukala, inaatasan din nito ang government agencies na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng probinsya na magsagawa ng commemorative activities gaya ng historical reenactments, educational programs, at cultural exhibits.
Matatandaang unang natunton ni Magellan ang lupain ng Pilipinas noong Marso 16, 1521, matapos nitong libutin ang mundo upang hanapin ang “Moluccas” o ang Spice Islands.
Matapos ang dalawang linggo, idinaos naman sa Limasawa, Leyte ang unang misang Katoliko sa bansa—tanda ng simula ng pag-iral ng Katolisismo sa Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: ANG PAGKAKATUKLAS NI MAGELLAN SA PILIPINAS-Balita