April 16, 2026

Home BALITA

Ati community sa Boracay, nagkasa ng protesta matapos kanselahin ang kanilang CLOA

Ati community sa Boracay, nagkasa ng protesta matapos kanselahin ang kanilang CLOA
Photo Courtesy: Radyo Todo Aklan 88.5 FM (FB)

Nagsagawa ng kilos-protesta ang Boracay Ati Tribal Organization (BATO) sa labas ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Aklan dahil sa umano’y ilegal na pagkansela sa kanilang Certificate of Land Ownership Award (CLOA).

Sa panayam ng RMN DYKR Kalibo noong Lunes, Marso 16, sinabi ni Maria Tamboon, tumatayong Livelihood Coordinator ng BATO, na nais nilang maibalik ang kanilang karapatan sa lupang iginawad sa kanila.

"Kaya nandito kami ngayon kasi gusto namin na buksan nila at ibalik ang aming posisyon doon. Kasi hindi na kami do'n makapasok, e. Hindi na kami maka-garden,” saad ni Maria.

Ayon kay Maria, taong 2018 umano nang sadyain sila ng DAR upang alukin ng lupa sa Manocmanoc, Boracay na ang kapalit ay pagpapaganda rito.

Ngunit tila ginamit lang umano sila dahil ngayong ganap nang hardin ang 8,000 sqm. ng lupa ay basta na lang binabawi sa kanila.

Kauna-unahang abogadong Mangyan, pumanaw na!

Nakatanggap umano ang Ati ng notice to vacate noong Enero 24, 2026 na sinundan nila ng paghahain ng mosyon mula sa kanilang abogado noong Pebrero 4. 

Ngunit gayon na lang umano ang gulat nila nang pagbawalan silang pumasok sa lugar noong Pebrero 16.

Sa kasalukuyan, habang sinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag ang DAR kaugnay sa naturang isyu.