CLEVELAND (AP) — Hataw si Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 33 puntos, habang kumana si Jrue Holiday ng 17 puntos sa dominanteng 123-105 panalo ng Milwaukee Bucks kontra Cleveland Cavaliers nitong Biyernes (Sabado sa Manila).
Nanguna sa Cavs sina Collin Sexton na may 19 puntos at Andre Drummond nakumana ng 18.
JAZZ 138, HORNETS 121
Sa Charlotte, balik sa winning run ang Utah Jazz nang gapiin ang Hornets para sa ikatlong sunod na panalo at 14 sa 15 laro.
Nanguna si Bojan Bogdanovic na may 31 puntos, tampok ang pitong 3-pointers, habang tumipa si Donovan Mitchell ng 30 puntos. Nag-ambag si Rudy Gobert ng 12 puntos at 15 rebounds para sa Jazz.
PELICANS 114, PACERS 113
Sa Indianapolis, naungusan ng New Orleans Pelicans, sa pangunguna ni Brandon Ingram na may 30 puntos, ang Indiana Pacers.
Nag-ambag si Lonzo Ball ng 20 puntos at siyam na rebounds para sa ika-anim na panalo sa huling walong laro ng New Orleans. Nag-ambag sina Zion Williamson ng 18 puntos at Steven Adams na may 12 puntos at 12 rebounds.