Tila hindi napigilang kumanta ng chairman ng transport group na MANIBELA na si Mar Valbuena sa pananawagan nila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na isuspinde ang excise tax at Value Added Tax (VAT) sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Matatandaang inihayag ng Pangulo noong Lunes, Abril 13, 2026, ang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene sa pamamagitan umano ng kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng batas, ngunit hindi kasama rito ang presyo sa mga produktong petrolyo.
Aniya, maglalaro sa ₱3.36 ang mababawas sa kada kilo ng LPG na may katumbas na ₱37 ang halaga ng mababawas kada tangke.
Habang aabot naman sa ₱5.60 ang matatapyas sa kada litro ng kerosene.
KAUGNAY NA BALITA: Excise tax sa LPG at kerosene, sinuspinde na ni PBBM!
Ayon naman sa naging simula ng transport strike ng mga pampasaherong dyip sa pangunguna ng grupong MANIBELA nitong Miyerkules, Abril 15, 2026, nagawang manawagan ni Valbuena sa kanilang pagsasagawa ng kilos-protesta na isuspinde ni PBBM ang nasabing karagdagang buwis sa nasabing presyo ng mga produktong nagpapahirap sa mga tsuper.
Tila hindi napigilan ng chairman ng nasabing grupo na gamitin ang kantang “Hawak Mo Ang Beat” ng French na si Sylvain Hernandez o mas kilala bilang “DJ Mogo.”
“Hawak mo, Bongbong. Hawak mo, Bongbong,” paghahalintulad niya sa melodiya ng chorus ng nasabing kanta.
Paglilinaw niya, hawak daw ni PBBM ang kapangyarihan para suspindihin ang excise tax, VAT, at maibsan ang hirap na nararanasan ng taumbayan.
“Na-isuspend ang excise tax, ang value added tax, at pagaanin ang buhay ng mamamayang Pilipino,” aniya.
Pagpapatuloy pa niya, nagsagawa lamang sila ng kilos-protesta ngayong Miyerkules at ng transport strike sa susunod pang mga araw para manawagan sa Pangulo at hindi makaperwisyo.
“Nandito kami para manawagan, hindi para makaperwisyo,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagbigay rin ng reaksyon ang Palasyo noong Lunes sa kinasang transport strike ng MANIBELA at sinabi nitong hindi raw napapanahon at makatutulong sa kasalukuyan 3-day nationwide transport strike, hinggil sa mga isyung kinakaharap ng bansa patungkol sa produktong petrolyo.
Anang Palasyo, wala pa umanong kakayahan si PBBM na isuspinde ang Value Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo bunsod ng kawalan ng batas ukol dito.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa 3-day strike ng MANIBELA: ‘Hindi napapanahon, hindi makatutulong’
KAUGNAY NA BALITA: MANIBELA, magkakasa ng 3-day transport strike simula Abril 15