May 22, 2026

Home BALITA National

Palasyo sa 3-day strike ng MANIBELA: ‘Hindi napapanahon, hindi makatutulong’

Palasyo sa 3-day strike ng MANIBELA: ‘Hindi napapanahon, hindi makatutulong’
Photo courtesy: RTVM/YT, MANIBELA/FB


Iginiit ng Malacañang na hindi raw napapanahon at makatutulong sa kasalukuyan ang plano ng transport group na MANIBELA na magkasa ng isang 3-day nationwide transport strike, hinggil sa mga isyung kinahaharap ng bansa patungkol sa produktong petrolyo.

Sa press briefing na ikinasa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Abril 13, idiniin ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala pa umanong kakayahan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isuspinde ang Value Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo bunsod ng kawalan ng batas ukol dito.

“Wala pong kapangyarihan ang Pangulo na mag-suspend ng VAT dahil wala pong batas sa ngayon na siya ay binibigyan ng kapangyarihan. So baka nagkakaroon po ng misconception, at ngayon ay baka nakakarating sa mga transport sectors, sa mga drivers, sa operators na sa isang click ay masu-suspend ng Pangulo ang VAT,” saad ni Usec. Castro.

Aniya, “Wala pong kapangyarihan sa ngayon ang Pangulo na mag-suspend or mag-reduce ng VAT dahil wala pong batas na siya ay binibigyan patungkol dito.”

Binira din ng press officer ang umano’y makupad na pag-aksyon ng pamahalaan sa mga isyung kinahaharap ng bansa, partikular na ang epekto ng digmaan sa Middle East sa sektor ng transportasyon sa bansa.

“At sasabihing ‘slow action,’ nakikita po natin mismo ano na po ang ginagawa at nagawa ng Pangulo at ng administrasyon para sa transport sector. Sila nga po iyong inuna. With or without any strike, transport strike, ang Pangulo naman po ay dumidinig sa mga hinaing ng bawat Pilipino lalong-lalo na po sa transport sector,” anang press officer.

“At sa atin po ngayon, sa ating palagay, ang pagho-hold ng transport strike ay hindi napapanahon sa ngayon, hindi po ito makakatulong sa dinaranas po natin dulot ng krisis sa Middle East—ang kinakailangan po lamang talaga dito ay negosasyon, pag-uusap, pagtutulungan,” pagtatapos ni Usec. Castro.

Matatandaang ikakasa ng MANIBELA ang nationwide transport strike sa darating na Abril 15 hanggang 17, bitbit ang kanilang panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law, pababain ang presyo ng langis, at suspindihin ang VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo.

MAKI-BALITA: MANIBELA, magkakasa ng 3-day transport strike simula Abril 15-Balita