Sa matapat na hangaring ganap na malunasan ang pananalanta ng nakamamatay na coronavirus hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa lahat halos ng bansa sa daigdig, patuloy ang maigting na pagmamadali ng mga apektadong sektor sa pagbili ng bakuna laban sa naturang mikrobyo. Katakut-takot na mga negosasyon ang isinasagawa ng iba’t ibang bansa sa mga anti-virus vaccine manufacturers upang maunang makabili ng nasabing bakuna.
Nakapanlulumong mabatid na tila binibigyan ng prayoridad ang makapangyarihan at mayayamang bansa upang mabilis na makabili ng bakuna mula sa China, Russia at sa United States. Lumilitaw na ang ating bansa ay nasa kulelat ng listahan sa kabila ng paniniyak ng administrasyon na may nakalaan nang sapat na pondo para sa nasabing bakuna.
At lalong nakapanlulumong mabatid na may mga bansa na rin na nakapagsimula nang magturok ng bakuna sa kani-kanilang mga mamamayan samantalang tayo ay sinasabing sa susunod na buwan pa lamang maaring mabakunahan ang ating mga kababayan. Kasabay ito ng paglalatag ng mga patakaran hinggil sa hanay ng mga dapat unahing maturukan ng anti-COVID vaccine.
Naniniwala ako na hindi dapat pagtalunan ang priority list ng mga dapat mabakunahan kaagad. Ang ating mga health frontliners, halimbawa, ay marapat maturukan ng bakuna sa sandaling ito ay dumating na sa ating bansa. Hindi maitatanggi na ang naturang grupo na kinabibilangan ng mga narses, doktor at iba pang medical practitioners ang laging mistulang nakasuong sa panganib sa pangangalaga ng kalusugan ng mga dinapuan ng naturang coronavirus. Sa lahat ng sandali, sila ang nakaagapay sa mga may sakit upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Maging ang ating mga kababayang sundalo at pulis ay karapat-dapat ding maunang turukan kaagad ng bakuna. Bukod sa pangangalaga sa ating katahimikan laban sa mga manliligalig, sila rin ang kaagapay ng ating mga health workers upang matiyak ang kanilang seguridad; lalo na nga sa pagpapatupad ng mga tagubilin tungkol sa contact tracing.
Bilang isa sa mga hanay ng tinatawag na vulnerable sector, nais ko ring bigyang-diin na marapat din kaming unahing maturukan ng naturang bakuna laban sa nakakikilabot na mikrobyo. Isipin na lamang na kahit na ano ang sabihin ng sinuman, madali na kaming dapuan ng mga karamdaman; laging nangangailangan ng madaliang lunas lalo na kung iisipin na ang karamihan sa amin ay nasa dapit-hapon na ng buhay, wika nga. Sa bahagyang pagbahin, pag-ubo at pagsinga ng aming nakakasalamuha ay kaagad nang dinadapuan ng mga kapahamakan.
Sa kabila ng lahat ng ito, nakatutuwa namang isipin ang laging tahasang sinasabi ng administrasyon: walang dapat maiwan sa isasagawang pagtuturok ng anti-COVID vaccine, lalo na nga kung uunahin ang mga nakatatandang mamamayan o senior citizens na pawang kabilang sa mga vulnerable sector.
-Celo Lagmay