Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may nagaganap na local transmission ng mas nakakahawang UK variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Bontoc, Mountain Province.

Kasunod ito nang pagkatukoy ng 12 kaso ng naturang sakit doon.

“The Department of Health confirms local transmission in Bontoc of the B117 variant of SARS-CoV-2 as identified through genomic sequencing,” saad sa kalatas ng DOH na inilabas nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ng DOH na sa kasalukuyan, lahat ng natukoy na kaso na may UK variant ay maaaring iugnay sa mga kaso na direktang mula sa labas ng bansa o importasyon o mula sa ispesipikong kaso o exposure na maaari pang matukoy o local transmission.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Gayunman, walang malinaw na ebidensiya na nakikita ang DOH na may community transmission na ng COVID-19 mutation sa Bontoc.

Ayon sa World Health Organization (WHO), masasabing mayroong community transmission ng virus kung may malaking bilang ng mga kaso, nagkakaroon ng case clusters sa multiple areas, at hindi na matukoy kung saan nakuha ang sakit.

Unang iniulat ng DOH na may 12 pasyente ng UK COVID-19 variant sa Bontoc. Pito sa mga ito ang lalaki at lima ang babae habang tatlo ang bata, na may edad ng 5, 6, at 10 taong gulang.

Nasa 11 ang nagmula sa Barangay Samoki, na ang case clustering ay unang iniulat na nagmula sa isang returning overseas Filipino (ROF) na mula sa United Kingdom. Bumiyahe ito sa Bontoc sakay ng pribadong sasakyan, kasama ang kanyang asawa matapos mag-negatibo sa virus pagdating sa Pilipinas. Ngunit kalaunan ay nakaranas ng “abdominal symptoms” kaya’t sumailalim muli sa swab test at nagpositibo sa COVID-19.

Nilinaw ng DOH na sa isinagawang genome sequencing ay negatibo ang pasyente sa B117 variant.

Kaagad na nagsagawa ng contact tracing ang mga health authorities at natukoy ang 46 COVID-19 positive close contacts na may kaugnayan sa biyahero mula sa UK.

Sa naturang bilang, 12 ang positibo sa B117 variant, anim ang negatibo sa variant, at 28 ay sumasailalim pa sa genome sequencing.

“While we have identified linkages of cases to the traveler from the UK, said traveler was negative for the B117 variant and his wife was negative on PCR test,” anang DOH.

“Thus, the Regional Epidemiology and Surveillance Unit and local government unit are currently backward tracing exposures and travel histories of cases to identify other possible source/s of infection,” dagdag pa nito.

Sinabi ng DOH sa publiko na bagamat mas nakakahawa ang bagong variant ng COVID-19 ay wala namang ebidensiya na mas malala o mas nakamamatay ito.

Sa kabuuan, mayroon nang 17 kumpirmadong kaso ng UK variant sa Pilipinas.

-MARY ANN SANTIAGO