SA gitna nang pananalasa ng pandemya at habang papalapit ang Kapaskuhan, animo mga asong ulul naman kung manibasib ng kanilang nabibiktima ang mga manloloko sa makabagong panahon. Mga manggagantso na bihasa sa social media at paggamit ng smart cellphone sa kanilang mga “modus operandi”.
Sa totoo lang, luma na ang kanilang mga pamamaraan ng panloloko, kaya lang dahil pinadaraan nila ito sa makabagong medium – paggamit ng smart cellphone at social media sa internet – madali silang makakumbinsi ng mga taong walang kamuwang-muwang sa gamit nilang istilo. Karamihan sa mga nabibiktima ay kabilang sa makabagong henerasyon ng millennials!
Gaya nang nangyari sa isang dalaginding na nakatira sa condominium sa Bonifacio Heights, sa Taguig City nito lamang Miyerkules ng umaga. Tawagin nating “Nona” ang 11 taong gulang na batang ito na ginulo sa paghahanap ang kanyang mga kalugar, nang mapabalitang bigla siyang nawala, at hinihinalang may kumidnap. Huling nakita si “Nona” sa main gate ng Bonifacio Heights ganap na alas onse ng umaga.
Sa loob lamang ng halos tatlong oras, ang posting sa social media nang pagkawala ni “Nona” ay umani agad ng mahigit 10 libong share, like at views, mula sa mga netizen na karamihan ay nag-aalala para sa cute na batang babae, na anila’y baka tinangay ng grupong nagbebenta ng mga bata, upang gawing sex slave o kaya naman ay kunan ng mga body organ gaya ng kidney, upang ipagbili sa mga ospital sa ibang bansa.
Pero, sa dami nang nag-aalala na netizen, may mga nakasingit pa rin na ang linya ay halatang pilit na sinisingitan ng pulitika ang pangyayari.
Sabi nung isa rito: “Baka adik ang bata kaya naggagala, kasama ang barkada na mga durugista rin. Dapat talagang durugin ang mga drug pusher kaya tama lang ang ginagawa ni Tatay Digong!” Pinutakti tuloy ito ng galit na galit na mga netizen na tumawag dito ng “bobong DDS” na walang konsiyensya at walang karapatang mabuhay sa ‘Pinas!
Magtatanghalian na nang mapansin na nawawala si “Nona”. Nataranta ang kasamahan niya sa bahay dahil bihira itong mangyari. Hindi naman palalabas kasi ang bata, kaya ilang minuto lang ay nagkagulo na ang mga kalugar nito at nagsimula na ang hanapan.
Nagpasa-pasa na ang kuwento hinggil sa pagkaka-kidnap kay “Nona” – hanggang may mag-post sa Facebook ng larawan nito na agad namang nag-viral.
Ganap na 3:32 ng hapon isang post sa FB mula sa pamilya ni “Nona” – ang nagpa-ngiti sa mga netizen na nag-aalala rin sa kalagayan nito: “She has been found! Thank you to everyone who pitched in to help!”
Biktima pala ng “Budul-budol Gang” ang inosenteng dalaginding.
May natanggap siyang tawag sa cellphone na sinasabing nadisgraya ang kanyang mga magulang at agaw-buhay ang mga ito sa ospital. Nataranta ang bata kaya sinunod nito ang lahat ng utos – pagkuha ng malaking halagang pera sa silid ng magulang nito -- ng kausap niya sa kanyang cellphone na miyembro ng manlolokong ang tawag ay “Budol-budol Gang”.
Iniutos sa kanya ng kausap na maghanap ng pinakamalapit na convenience store at ipadala sa pamamagitan ng GCASH ang pera na kanyang nakuha sa kuwarto. Ang problema – offline ang lahat ng line para sa GCASH sa kanilang lugar, kaya nag-ikot ito sa mga karatig barangay sa Taguig, na alam niyang may mga convenience store na baka naka online. Habang naghahanap siya ay kausap niya ang scammer at patuloy na binibigyan siya ng instruction kung ano ang dapat gawin at saan pupunta.
Malayo na ang nararating ni “Nona” nang may makakilala sa kanya at ibinalik siya sa bahay nila. Doon niya nalaman na buhay na buhay ang tatay at nanay niya at mambubudol pala ang kausap niya, na bigla ring nawala sa linya.
Paaala sa mga magulang – turuan ang inyong mga anak kung paano haharapin ang ganitong sitwasyon. Gawin ninyo silang mga “street smart” upang ‘di agad maloko ng mga mandarambong sa makabagong panahon.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.