Mga Laro Ngayon

(AUF Gym - Angeles City, Pampanga)

3:45 n.h. -- Meralco vs Ginebra

6:30 n.g. -- Phoenix vs TNT

Carlos Yulo, Aira Villegas at Nesthy Petecio, natanggap na house and lot incentives!

MAKALAPIT sa asam na finals berth ang kapwa pupuntiryahin ng Barangay Ginebra at TNT sa kanilang pag-asinta na makamit ang 2-0 bentahe sa kani-kanilang race-to-3 semifinals series ngayong araw na ito sa pagpapatuloy ng 2020 PBA Philippine Cup sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga.

Nagsipagwagi noong Miyerkules sa simula ng semifinals, ang Kings kontra Meralco, 96-79 at ang Tropang Giga laban sa Phoenix, 95-92, magtatangka silang makadalawang sunod na panalo sa Game 2, mauuna ang Ginebra sa muliii nilang pagtutuos ng Bolts ngayong 3:45 ng hapon kasunod ang TNT sa muling tapatan nila ng Fuel Masters ganap na 6:30 ng gabi.

Magkakaugnay at maigting na half court game na dinagdagan pa ng solidong depensa at teamwork ang naging susi sa pagdomina ng Kings sa Bolts noong Game 1 na inaasahan namang hindi nila babaguhin bagkus ay sisikapin pang ulitin upang makamit ulit ang tagumpay.

Ito naman ang pipiliting resolbahin ng Bolts upang ipatas ang series.

Ngunit sa kabila ng naitalang malaking panalo sa unang laro, nais ni coach Tim Cone na mas maging focus ngayon sa laro ang Kings.

“We have to quickly move forward from last night and get focused on tomorrow’s game. Everything went right for us and everything went wrong for them in the last game. That’s not going to happen tomorrow. We’re going to need to come out mentally stronger,” ani Cone.

Sa tampok na laban, dikdikang laban din ang inaasahang matutunghayan lalo pa’t magkukumahog ang Fuel Masters na bumawi sa kabiguan nila noong Game 1 kung saan hindi sila nagawang dominahin ng TNT kahit nawala dahil sa tinamong sprained left ankle ang main man na si Matthew Wright at nalagay sa maagang foul trouble si Calvin Abueva. Tiniyak naman ni coach Topex Robinson na lalaro ngayong Game 2 si Wright.

Sa kabilang dako, nagtamo din ng sprained ankle sa kanang paa, hindi naman tiyak kung makakalaro para sa TNT ang big man na si Poy Erram.

Gayunman, umaasa si coach Bong Ravena na lalaro si Erram lalo pa’t kailangan sya sa gitna ng Tropang Giga.

Gaya din ng Ginebra, inaasahan din ng TNT na magsisikap ang Phoenix na makabawi kung kaya kailangan nilang higit na maging handa.

-Marivic Awitan