Hiniling ng pangulo ng Mexico sa Santo Papa nitong Sabado na humingi ito ng tawad para sa naging bahagi ng Simbahang Katoliko sa opresyon ng mga indigenous people sa pananakop ng Spain, 500 taon na ang nakalilipas.

Sa isang liham para kay Pope Francis, sinabi ni President Andres Manuel Lopez Obrador na dapat mag-sorry ang kaharian ng Spain, pamahalaan nito at ang Vatican sa mga katutubo para sa “most reprehensible atrocities” na ginawa matapos dumating ang mga Spanish conquistadors sa Mexico noong 1521.

“They deserve not just that generous attitude on our part but also a sincere commitment that never again will disrespectful acts be committed against their beliefs and cultures,” pahayag ng pangulo sa liham, na inilabas din sa social media.

Malaki ang naging gampanin ng Simbahan sa pananakop ng Spain sa Amerika at pagpapalawak ng emperyo nito, sa pagbuo ng mga misyon upang mabinyagan ang mga katutubo sa Kristiyanismo.

Internasyonal

Mga motorista sa China, ‘naulanan’ ng dumi ng tao mula sa isang sumabog na pipeline

Noong nakaraang taon, naglabas din si Lopez Obrador ng katulad na hiling kay King Felipe ng Spain at sa Santo Papa, ngunit mabilis na tinanggihan ng pamahalaan ng Spain ang petisyon.

Ang pagbuhay sa panawagan ay bahagi ng paghahanda sa paggunita ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng mga Europeans sa Amerika, sa 2021.

Noong 2015, humingi ng tawad ang Santo Papa sa Bolivia para sa naging bahagi ng simbahan sa opresyon sa Latin America noong Spanish colonial era.

AFP