Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakaalerto na sila sa posibleng pagganti ng teroristang Abu Sayyaf Group kasunod ng pagkakaaresto ng tatlong babae, kabilang ang isang Indonesian suicide bomber sa Jolo, Sulu nitong Sabado ng madaling araw.
Paliwanag ng militar, hindi sila maaaring maging kampante dahil anumang oras ay maaaring sumalakay ang grupo ng mga bandido.
Nitong Sabado ng madaling araw, inaresto ng tropa ng pamahalaan ang mga teroristang babae, kabilang ang Indonesian bomber na kinilalang sina Rezky Fantasya Rullie, alyas Cici, Inda Nurhaina, asawa ni ASG sub-leader Ben Tatoo at Fatima Sandra Jimlani, asawa ni Jahid Jam na miyembro rin ng ASG, sa Bgy. San Raymundo, Jolo.
Minaliit naman ni Joint Task Force Sulu spokesperson Lt. Col. Ronaldo Mateo, ang nasabing usapin dahil lalo pa umanong pinaigting ng mga ito ang kanilang pagbabantay.
-Fer Taboy