Nakatakdang magpatupad ang Metro Rail Transit Line - 3 (MRT-3) ng partial operations ngayong Oktubre 10 at 11 upang bigyang-daan ang pagkukumpuni na nakatakdang isagawa sa naturang linya ng tren.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, suspendido muna ang operasyon ng MRT-3 mula sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City hanggang Taft Avenue, Pasay City ngayong weekend dahil sa isasagawang repairs o pagkukumpuni sa pasilidad, kabilang ang riles nito.
Tuloy naman umano ang serbisyo mula sa North Avenue, Quezon City hanggang Shaw Boulevard upang hindi maabala ang iba pang commuters.
Sinabi ni Capati na ang naturang maintenance works ay unang ini-schedule sa unang bahagi ng taong 2020 ngunit naantala dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at pagpapairal ng enhanced community quarantine (ECQ).
“Ni-reschedule namin ito, now it’s Oct. 10 and 11, supposedly full shutdown sana yan. Now when we reviewed yung work schedule niya, it turned out more concentrated sila rito sa Taft Avenue,” ayon kay Capati, sa panayam sa radyo. “Para naman po hindi maabala, ginawan namin ng paraan na partial operations tayo from North Avenue to Shaw Boulevard.”
Bukod naman sa naturang repair, may pagkukumpuni pa umanong nakatakdang isagawa ang MRT-3 mula sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Mary Ann Santiago