Pinahintona ni Ombudsman Samuel Martires ang lifestyle checks sa mga empleyado ng gobyerno. Ang code of conduct, aniya, para sa mga opisyal ng pamahalaan ay pinanagot sila sa hindi malinaw at walang lohikang pamantayan. Ang tinutukoy niyang code of conduct ay ang Republic Act No. 6713, o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na nagsasaad ng simpleng pamumuhay ng lahat ng mga nasa gobyerno. Ayon sa batas, dapat sila ay mamuhay ng disente ng naaayon sa kanilang posisyon at kinikita at hindi nila inihahayag, kahit sa anong paraan, ang maluho nilang yaman. “Dapat linawin ang ibig sabihin ng nabubuhay ng labis sa kinikita. Ang simpleng pamumuhay sa akin ay maaaring hindi simpleng pamumuhay sa inyo,” wika ni Martires. Halimbawa, aniya, may isang empleyado na kumikita ng P50,000 isang buwan, nakatira sa maliit na bahay, kumakain ng dalawang beses isang araw para mabili ang pinapangarap niyang kotse, para makaipon siya at nang magkaroon ng promo para sa BMW at nag-downpayment siya rito, masasabi ba na siya ay nabubuhay ng sobra sa kanyang kinikita?
Ito ang baluktot na katuwiran na pinalalabas na matuwid. Kailangan bigyan niya ng palamuti ang protective mantle sa kanyang pinagkakautangan ng loob. Nauna kasi rito, nag-isyu si Martires ng circular memorandum na nililimitahan niya ang publiko na makakuha ng kopya ng statements of assests, liabilities and networth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno. Ang maaari lamang makakuha ng kopya ng SALN ay ang opisyal mismo, o ang kanyang pinahintulutan kumuha nito, o ang sinumang humihingi nito sa utos ng korte na may kaugnayan sa kaso at ang field investigator ng Ombudsman
na nag-iimbestiga ng kaso. Ang kanyang dahilan ay baluktot din tulad ng kanyang katwiran sa pagpapahinto sa life-style check. Ginagawa, aniya, itong armas para sirain ang kaaway sa pulitika at mga opisyal ng gobyerno.
Bago ang magkasunod na hakbang na ito ni Martires, inuukilkil na ng mga mamamahayag ang SALN ni Pangulong Duterte. Eh, dalawang taon na pala itong hindi nagsusumite ng kanyang SALN, kung mayroon man ay itinatago ng Ombdusman. Kung naitago nga ang mga ito ng Ombudsman, ito ang binibigyan nito ng dahilan upang tuluyan nang maganap ang kanyang talagang layunin na hindi na mapunta sa kamay ng iba lalo ng media ang SALN ng Pangulo, o malaman ang kawalan nito para sa dalawang taon. Ang dahilan ni Martires sa paglilimita ng access sa SALN ay upang hindi ito ma-weaponize ng mga kalaban sa pulitika at ng mga opisyal ng gobyerno. Eh si Pangulong Duterte at Martires ang gumamit nito para mapatalsik sa posisyon sa pagka-Chief Justice ng Supreme Court si Lourdes Sereno. Ang hindi pagsumite ni Sereno ng kanyang SALN nang siya ay nagtuturo pa sa University of the Philippines, at hindi pa siya nahihirang sa Korte Suprema ang ginawang armas ni Duterte, sa tulong ni Martires, para mapatalsik si dating Chief Justice Sereno. Gayong ang wasto at constitutional na paraan ay impeachment. Baka kay Duterte magamit ito sa hindi niya paghahain ng SALN sa loob ng dalawang taon? O kung mayroon man, makikita ang napakalaking agwat ng kanyang yaman at sahod sa gobyerno kapag nabusisi ang mga ito. Ito ang iniiwasan ni Martires sa pagtanaw niya ng utang loob sa Pangulo na humirang sa kanya bilang Ombudsman.
-Ric Valmonte