“ISA lang akong ordinaryong pare na humihiling sa iyo Mr. President na mabuhay ka ng mapayapa at maligaya para sa iyong kapakanan at ng buong bansa. Please mag-resign na kayo ngayon. Habang ang Pilipinas ay wala pa sa ilalim ng Chinese Community Party at habang tayo ay demokrasya pa, tungkuling kong ipaalam sa inyo bilang Pangulo na aming binabayarang public servant,” wika ni Fr. Pete Montallana, coordinator ng Indigenous People’s Apostolate of the Diocese at convenor ng Stop Kaliwa Dam Network, sa kanyang bukas na liham kay Pangulong Duterte na lumabas nitong Septyembre 2 na sa isang pambansan pahayan. Ganito niya tinapos ang kanyang liham: “Kinakatigan ko si Lawyer Dino de Leon hinggil sa pagsisiwalat sa publiko ng iyong medical bulletin para kumpirmahin kung may kakayahan ka pang pamunuan ang bansa. Mr. President, magpakatotoo ka sa iyong sarili, at hindi ang imaheng macho. What does it profit a man if he gains the whole world but loses oneself? Magpakumbaba ka sa harap ng Diyos. Resign. Binibigyan ka ng kapayapaan ng Panginoong Diyos.”
Inisa-isa ni Fr. Montallana sa kanyang liham ang mga dahilan kung bakit niya pinagreresign ang Pangulo bagamat inamin niya, na noong una, ay silent campaigner siya nito nang makumbinse siya nito na darating ang pagbabago para sa mga dukha. Sa katunayan, aniya, nang magwagi si Pangulong Duterte, hinikayat niya ang tumbayan na suportahan siya hanggang ang kanyang administrasyon ay magsimulang pumatay ng mga tao.
Bakit nga naman hindi mananawagan ang pare ng pagbibitiw ng Pangulo? Magulo na ang bansa. Kung sinu-sino na ang humaharap sa bayan at nagpapahayag ng mga polisiya at tuntuning ipinasusunod sa mamamayan. Lingguhan na siyang nakikita sa mga video na nagsasalita pero walang mga komprehensibong plano para iahon ang taumbayan na nakalugmok na nga sa kahirapan eh nahihintakutan pa kundi sa pandemya sa mga pulis at sundalo. Iyong makita lang siya, tulad ng nauna siyang nakita na matikas at matapang, na naguutos upang labanan ang pandemya ay pwede na sanang magpakalma sa mamamayan. Ang problema, ang nakikita nila ay mahina na at maysakit na Pangulo. Nakatago sa Davao. Kaya, pulis at militar ay nagpapatayan. Sinasamantala ito ng mga taong hinahabol nila at nagagawang makapagpasabog at pumatay ng maraming tao na karamihan ay sibilyan. Iyon lang mayroon nang mga taong kinakabitan ang kanilang katawan ng pampasabog para masiguro lang nila na sasabog ang mga ito sa kanilang target kasama sila ay hindi na akma sa lideratong matapang, malakas at kinatatakutan. Ang masama pa, sinasamantala ang kanyang kalagayan ng mga tao para mangulimbat. Hindi sila natatakot sa kanya sa kabila ng pananakot at katapangang ipinakikita ngayon ng Pangulo.
Bakit nasabi ng pare na para rin sa kapakanan ng Pangulo ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin? Paano, kahit sino ang iyong tanungin, lalo na ang nakaranas magkasakit, ang isa sa mabisang gamot ay pahinga na walang iniintinding problema. Binanggit ng Pangulo na may karamdaman siya sa esophagus na kung hindi siya magiingat ay mauuwi sa stage 1 ng cancer. Ang kagaya niya ay higit na nangangailangan ng pahinga. Hindi niya matatamasa ito na ligtas sa lahat ng problema kapag nananatili siya sa posisyon. Gabundok ang problema ng bansa, magkakasanga at magkakasalungat, lalo na sa panahong ito na bumagsak nang lubusan ang ekonomiya at napakarami nang nagugutom.
-Ric Valmonte