SA kabila ng sinasabing ‘flattening of the curve’ o pagbaba ng bilang ng mga dinadapuan ng nakahahawang coronavirus, hindi tayo dapat maging kampante -- lalo na ang mga kinauukulang health authorities na naghahanap ng solusyon at lumalaban sa nasabing pandemya. Manapa, lalo nating paigtingin ang implementasyon at pagtupad sa mahihigpit na tagubilin upang ganap na masugpo ang paglaganap ng nakamamatay na COVID-19.
Sama-samang pagsisikap o collective effort ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan -- at ng mga pribadong sektor -- ang dapat lalong pag-ibayuhin upang maging ganap ang ‘flattening of the curve’. Hindi biro ang panganib ang inihahasik ng nakakikilabot na sakit.
Sa panig ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), halimbawa, marapat lamang marahil ang patuloy na pag-ayuda sa taumbayan, lalo na ang ilang sektor na hanggang ngayon ay nakalupasay pa, wika nga, sa paghihirap. Totoo na halos masaid na ang Social Amelioration Fund ng naturang tanggapan, subalit naniniwala ako na maaari pa nilang pasundan ang gayong pag-ayuda sa pamamagitan ng Bayanihan (To Heal As One) Act Part Two na malapit nang maisabatas.
Malaki rin ang misyon na maaaring gampanan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapagaan ng pasanin ng ating mga kababayan, lalo na ang tinatawag na Small and Medium Enterprises (SME); kailangan nila ang pagsaklolo ng gobyerno upang mapalago ang kanilang negosyo tungo naman sa pagkakaroon ng sapat na pagkain o food security na isa ring epektibong panlaban sa naturang salot.
Lalong malaki ang tungkulin ng Department of Agriculture (DA) sa pagkakaroon ng kasapatan sa pagkain o food security. Sa aking pagkakaalam, ito lamang ang kagawaran ng gobyerno na nagtamo ng 1.6 growth rate, kung pag-uusapan ang pag-angat ng produksiyon nito -- bigas, gulay, isda at iba pang agri products. Mismong ang National Economic Development Authority (NEDA) ang nagpatunay nito.
Walang alinlangan na ito ang dahilan ng pagsasaalang-alang ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Finance Committee ng Senado upang taasan ang DA budget para sa susunod na taon. Dapat lamang iukol ng naturang kagawaran ang puspusang pag-ayuda sa mga magsasaka at mangingisda na pinaniniwalaan kong gaganap ng makabuluhang misyon sa pagkakaroon ng food security.
Ang programang Plant, Plant, Plant, halimibawa na binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) ay marapat buhusan ng sapat na pagsaklolo, tulad ng pamamahagi ng libreng binhing gulay sa lahat ng nangangailangan. Kaakibat nito ang paghikayat sa sambayanan upang mag-ukol ng panahon sa tinatawag na urban gardening at gulayan sa mga likod-bahay.
Lalong kailangan ngayon ang pagpapaigting sa nabanggit na mga pagsisikap sa harap ng pananalasa ng COVID-19.
-Celo Lagmay