Handa na ang Senado na irekomenda ang paghahain ng kasong falsification, malversation at anti-graft cases laban sa matataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na umano’y sangkot sa korapsyon.

Ito ang inihayag ni Senator Panfilo Lacson, vice chairman ng Senate committee of the whole, kahapon.

Nilinaw ng senador na tatlong pagdinig lamang sa usapin ang kanilang isinagawa at ngayo’y gumagawa na sila ng draft ng committee report na nakatakdang ilabas ngayong linggo.

Pagdidiin nito, nakikipag-usap na ang Senado sa Department of Justice (DOJ) upang matiyak na maayos na maisasampa ang kaso laban sa mga sangkot sa anomalya.

National

Batikang journalist binaril sa loob ng bahay sa Aklan, patay!

Paliwanag ng senador, natanggap na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang lahat ng mahahalagang dokumento na kakailanganin nila sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa usapin.

“Pero sa parte ng Senado, magrerekomenda kami ng kung anong legislative action na dapat gawin,” paliwanag ni Lacson.

Bukod sa malversation of public funds, binanggit ni Lacson na lumabag din aniya ang mga opisyal sa National Internal Revenue Code at pagpalsipika ng dokumento.

Tinukoy ng senador ang mga nasabing opisyal na sangkot sa

Interim Reimbursement Mechanism (IRM) policyat sa overprice na Information Technology (IT) program.

Kabilang aniya sa irerekomenda nilang masampahan ng kaso sina

PhilHealth president Gen. Ricardo Morales, Renato Limsiaco na hepe ng fund management sector, Jovita Aragona at Calixto Gabuya na responsible sa IT project.

“Kung matatandaan mo, inamin ni Gen. Morales nang tanungin ko kung sino nag-authorize, ng pag-approve at pag-release ng pera. Sabi niya ako,” lahad ni Lacson.

“Inamin niya sa pagdinig. Tapos maliwanag na maliwanag, si fund management sector SVP (senior vice president) Limsiaco, siya talaga nag-maneuver ng lahat,” pagbibigay-diin nito.

Tiniyak din ni Lacson na sapat ang ebidensya laban kina

Aragona at Gabuya na direktang sangkot sa overprice na IT project ng PhilHealth.

Kuwalipikado rin aniya para sa kasong plunder gayunman, ibibigay na nila ang desisyon sa DOJ na namumuno sa task force upang maisampa ang kaukulang kaso.

“Mas madali ipasok sa anti-graft pero wala namang magpe-prevent sa task force. Hindi naman kami magfa-file ng demanda kundi ang task force na created ni PRRD na pinangunahan ni SOJ Guevarra,” dagdag nito.

“The mere fact si Sec. Guevarra, napakaseryoso, napakapursigido na kumuha ng records sa amin, ibig sabihin talagang may mapupuntahan ang investigation,” pagdidiin pa ng senador.

-HANNAH L. TORREGOZA