Dapat lamang asahan ang ibayong paghihigpit sa pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), lalo na ngayon na ang Pilipinas ang nangunguna sa Asya sa pinakamaraming tinamaan ng nakamamatay na COVID-19. Mistulang lalong nalumpo ang iba’t ibang larangan ng pagnenegosyo, kabilang na ang pagpapatigil sa halos lahat ng uri ng transportasyon. Tayo ay mistula pa ring mga bilanggo sa ating mga tahanan.
Natitiyak ko na ang gayong situwasyon ay hindi natin ipagkikibit-balikat; lalo pa rin nating paiigtingin ang pagtalima sa mga quarantine protocol para sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay at ng ating mga makakasalamuha. Hindi humuhupa ang banta ng coronavirus, manapa, lalo pang lumulobo ang mga sinasalanta ng naturang mikrobyo.
At lalong humigpit ang mga quarantine checkpoints sa MECQ. Sa bahaging ito, marapat lamang maging maunawain ang ating mga alagad ng batas sa pagbibigay ng kaluwagan sa ating mga kababayan na nagbibigay rin ng essential services. Ang kanilang patuloy na pamamasukan sa kani-kanilang kompanya ay nakapagpapagalaw rin, kahit paano, sa ating ekonomiya.
Naniniwala ako na hindi dapat madamay sa paghihigpit ng checkpoint ang mga maghahatid ng pagkain at iba pang produkto na kailangan natin sa panahong ito ng pandemya. Nakalulugod mabatid na mismong ang pamunuan ng Department of Agriculture (DA) ang nakiusap sa mga kinauukulan na ipatupad ang tuluy-tuloy na paghahatid o unhampered delivery ng mga agri products sa MECQ area at sa iba pang lugar upang may mabili kaagad ang ating mga kababayan. Kabilang sa naturang mga produkto ang iba’t ibang uri ng gulay, isda at maging ang mga karne ng manok at baboy.
Hindi na dapat maulit ang nakadidismayang situwasyon nang unang ipinatupad ang total lockdown sa buong bansa nang ang mga essential products ay hindi kaagad naihatid dahil sa mahigpit na checkpoint. Dahil dito, hindi lamang nalanta ang mga gulay kundi nabilasa pa ang mga karne at isda -- mga produkto na hindi na pinakinabangan ng ating mga kababayan. Ang mga produkto na nanggaling sa Benguet -- ang veggie basket ng bansa -- ay halos hindi na nakararating nang sariwa sa dapat pagdalhan.
Sa ganitong sistema, natitiyak ko na dadagsa sa mga pamilihan ang mga agri products, lalo na ngayon na tiniyak ng DAna sapat na sapat ang aning gulay at bigas ng ating mga magsasaka. Dahil dito, marapat lamang magtakda ang DAat Department of Trade and Industry (DTI) ng makatuwirang presyo para sa nasabing mga produkto -- at sa iba pang bilihin -- upang hindi masyadong mabigatan ang ating mga kababayan sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Hindi dapat madamay ang sambayanan sa mahigpit na checkpoint kahit kabi-kabila ang ipinatutupad na lockdown sa bansa.
-Celo Lagmay