Dear Manay Gina,
May kakaibang ugali ang aking mister. Kapag nag-away kami at nasukol siya, ay bigla niyang babaligtarin ang isyu upang lumabas na ako ang may kasalanan. Sa bandang huli, ako ang lumalabas na guilty at siya pa itong galit. Dahil sa ugali niyang ito, wala kaming nalulutas na problema. Ayaw kasi niyang tumanggap ng pagkakamali.
Rosie
Dear Rosie,
Kapag may komprontasyon, iwasan n’yo na gawin itong paligsahan kung sino ang tama at sino nga ba ang mali. Sa mag-asawa, kapag ang problema ay hindi nalutas, ibig sabihin nito’y pareho silang talo at walang panalo.
Mas maganda kung lumipas na ang init ng inyong damdamin bago kayo mag-usap sa anumang problema. Sa ganitong paraan, mas maiiwasan ang komprontasyon at maitutuon ang atensiyon sa tunay na solusyon ng problema.
At sa halip na makipagtalo, tanungin mo na lamang ang iyong asawa ng mga bagay na gusto n’yong malinawan. Ayon sa isang research, kapag nadarama ng isang tao na siya ay inuunawa, mas madali din para sa kanya ang magbigay ng pang-unawa.
It takes only one person to change. Kung isa sa inyo ang magbubukas ng pinto para sa unawaan, mas maraming pinto ang bubukas tungo sa pagpapainam ng inyong samahan bilang mag-asawa.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Understanding brings control.” —Bonewitz
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia