Dahil sa pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), hiniling ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na suspendihin muna ng Land Transportation Office (LTO) ang emission test sa mga sasakyan.
Binanggit nito sa LTO at sa Department of Transportation (DOTr), makabubuting ihinto muna ang nasabing test hanggang sa Disyembre 2020 habang ang bansa ay nahaharap sa coronavirus pandemic.
Apektado aniya ng pandemya ang buhay ng mga Pinoy, marami ang nawalan ng trabaho at 11 milyong motorista ang walang kita sa halos apat na buwang lockdown.
Dahil aniya sa lockdown at quarantine, nahinto ang mga transaksiyon sa pampublikong tanggapan, tulad ng rehistrsyon ng mga sasakyan.
Dahil sa medyo pagluluwag ng quarantine ngayon, maraming motorista ang nagpaparehistro na uli kung kaya napakahaba ng pila sa emission testing centers, na nagreresulta sa pagkabalam ng registration process.
-Bert de Guzman