Nakakintal pa sa ating utak hanggang ngayon ang laging sinasambit-sambit ng isang sikat na photo journalist: “Hindi nagsisinungaling ang mga larawan.” Totoo, maliban na lamang kung ang mga ito ay nireretoke o pinakikialaman upang magamit sa isang tiwaling transaksiyon.
Ang naturang pahayag ng kapatid natin sa pamamahayag na si Sonny Camarillo ay naging bahagi ng kanyang mga simulain sa loob ng mahabang panahon bilang isang ‘celebrated photographer’. Naniniwala ako na ito rin ang paniniwala ng iba pang photo journalist na pawang mga kasapi ng Press Photographers of the Philippines (PPP) na minsan ding pinamunuan ni Sonny. Dahil sa kanyang pagpapahalaga sa kanyang propesyon, mistulang kahiga-higa niya ang kanyang mga kamera hanggang sa siya ay sumakibalang-buhay kamakailan.
Maraming pagkakataon na naipamalas ni Sonny ang kanyang pagpapahalaga sa photo journalism hindi lamang sa paglalathala ng kanyang mga retrato sa iba’t ibang media outfit. Ang kanyang makasaysayan at makabuluhang mga retrato ay itinatanghal niya sa kanyang mga photo exhibit sa mga sikat at malalaking malls sa bansa -- kabilang na ang National Press Club of the Philippines (NPC). Nagkataon na malimit tayong anyayahan sa ribbon cutting ng kanyang mga exhibit.
May iba’t ibang makatuturang tema ang kanyang mga exhibit, tulad ng kanyang mga retrato sa kalamidad at iba pang kahindik-hindik na aksidente at kalamidad na nagaganap sa bansa. Kabilang din ang mga okasyon at pangyayari na naging bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas.
Ang kanyang EDSAPeople Power Revolution photo exhibit, halimbawa, ay tinampukan ng matatag na paninindigan at pakikipagsapalaran ng iba’t ibang sektor upang mabawi ang demokrasya na sinasabing nilumpo noong panahon ng diktadurya. Bahagi ito ng pagtalikod nina Senador Juan Ponce Enrile at Presidente Fidel Valdez Ramos sa nabanggit na rehimen. Dito rin itinampok ang tanyag at makasaksayang EDSAJump ni FVR. Ang iba pang pangyayari ay bahagi na ng PH history.
Natitiyak ko na taglay ni Sonny sa kanyang pagpanaw ang masidhing hangaring laging ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag hindi lamang bilang isang photo journalist kundi lalo sa kanyang pagiging lifetime member ng NPC. Isang mataimtim na pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay, kapatid.
Sa bahaging ito, isa ring pakikiramay ang aking ipinaaabot sa isang matapat na kawani ng NPC na binawian ng buhay kamakalawa, si Lando Antiporda ay mahigit na 20 taong naglingkod sa naturang organisasyon -- isa sa dalawang orihinal na tauhan ng NPC. Paalam, Lando.
-Celo Lagmay